Advertisers
BALIGTAD na ang mundo sa larangan ng law enforcement, kung sino pa ang mga matatapat sa tungkuling alagad ng batas ang siya namang nalalagay sa balag ng alanganin, natatapon sa kangkongan at ang mabigat pa kalimitan ay nagkakaroon ng kaso at natatanggal pa sa serbisyo.
Samantala ang ilang mga tiwali at “pakaining baboy” sa gobyerno ang siya namang umaasenso at nagkakamal ng salapi sa pagiging protektor ng sindikatong sangkot sa smuggling, buriki, paihi, pasingaw, paawas, patulo at iba pang uri ng kriminalidad.
Samantala ratsada pa rin ang operasyon ng burikian sa Brgy. Alangan, sa bayan ng Limay, Mariveles, kapwa sa lalawigan ng Bataan, Florida Blanca, Pampanga, Tarlac at Bulacan, pawang nasa hurisdiksyon ni PNP Region 3, Director PBG Mathew Baccay.
Ang lider at financier ng sindikatong buriki na kinilalang magkapatid na sina alias Goto at Bogs at ng nakababatang si Cholo ay pinaniniwalaang protektado ng ilang high-ranking police official na naturang rehiyon.
Bukod sa pagiging kapitalista ng burikian sa Region 3, sangkot din ang tatlo sa kalakalan ng droga, katunayan si alias Goto ay inambus at malubhang nasugatan halos dalawang taon na ang nakaraan sa isang sabungan sa Bulacan. Pinaniniwalaang may kinalaman sa droga ang motibo sa naturang pananambang.
Isa rin si alias Goto, sa pinangalanan ni ex-President Rodrigo Duterte bilang narco-politician sa bansa, ngunit sa kabila ng pagbubunyag ni Pangulong Digong ay di pa rin ito tumigil sa pagtutulak ng droga, kasama sina Bogs at Cholo ay lalo pang pinalawak nilang tatlo ang kanilang operasyon ng burikian at kalakalan ng shabu sa mga lalawigan ng Bulacan at mga kanugnog na lalawigan.
Kaya hindi maipagmamalaki ni Gen. Baccay at ng kanyang mga provincial director ang kanilang kampanya kontra-droga at kriminalidad, hangga’t nasa kanilang hurisdiksyon at patuloy na namamayapag ang operasyon ng burikian at drug trade nina alias Goto, Bogs at Cholo. Bigong-bigo ang PNP sa kanilang kampanya kontra-droga at kriminalidad sa Region 3.
Ang mga burikian naman sa area ni PNP Region 4A Director, PBG Antonio Yarra ay matatagpuan sa Brgy. Banay-Banay II, sa zigzag area na malapit sa Banay-Banay Eatery sa munisipalidad ng San Jose, Diversion Road, Batangas City, parehong nasa lalawigan ng Batangas, Brgy. Talim, Eco Road, Lucena City na pinatatakbo ng isang Bobby, Brgy. Lalig, sa bayan ng Tiaong na inooperate ng isang Bong at Brgy. Malabanban Norte, na inooperate naman ng isang Lani.
Ayon sa source ng SIKRETA, bunsod ng pagkakabunyag ng talamak na operasyon ng buriki sa Brgy. Banay-Banay II ay sinalakay ng mga masisipag na operatiba ng PNP Region 4A Police Office kamakailan ang paihian na pinamamahalaan ng isang alias Benjie.
Arestado si Benjie at nakumpiska mula sa kuta na pinamamahalaan nito ang mga nakaimbak na binuriki o nakaw na produktong petrolyo, ngunit sa halip na papuri ang natanggap ng mga police operative ay katakot-takot na sermon ang inabot ng mga ito mula sa isang police colonel.
Bagama’t masama ang loob, sa halip na kasuhan ay pinakawalan ng mga arresting officer si alias Benjie at ibinalik sa kanyang kuta ang mga ebidensyang nasamsam ng mga operatiba. Wow galing-galing naman ng maniobra ni Kernel!
Ang nakakadismaya matapos ang matinding sabunan ay sinibak sa kanilang pwesto ang mga police operative at itinapon pa ang mga ito sa ibang PNP regional office.
Matagal nang napapaulat na ang nasabing kernel na isa sa mga operator ng paihian sa mga lalawigan ng CALABARZON, kaya di nakapagtatakang protektor din ito ng grupo ng petro smuggler na sina alias Mario Tan, alias Atty. Cabral, Dondon at ex-sergeant Ferdie.
Kaya kahit tahimik, ay lihim namang demoralisado ang hanay ng kapulisan sa PNP Region 4A dahil sa kinasapitan ng mga nabanggit na operatiba. Bilib na talaga tayo sa kamandag ng mga smuggler at sindikato ng buriki sa hurisdiksyon ni Gen. Yarra.
Dahil sa putok ang balitang “ sabunan at sibakan blues” sa hanay ng kapulisan sa Region 4A, ang tropa ng mga operatiba na lihim na sumusubaybay sa mga petro smuggler ay bantulot sa kanilang pagtatrabaho.
Urong-sulong ang mga nasabing operatiba sa pagtugaygay sa mga smuggler na kinabibilangan nina alias Mario Tan, miyembro ng Binondo Group, alias Atty. Cabral, Dondon at ex-Sergeant Ferdie pagkat batid ng mga ito na napakatindi ng padrino ng naturang grupo.
Batay sa ating police insider, nakatimbre ang grupo ng mga smuggler sa marami ring tiwaling opisyales at miyembro ng Philipine Coastguard (PCG), Philippine Port Authority (PPA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration and Deportation (BID), ilang mga pulitiko at ultimong kapitan ng barangay at kanyang mga opisyales.
Kaya kabado na ang karamihan sa mga matitino sa tungkuling mga operatiba pagkat baka hindi lamang sabunan at sibakan sa puwesto ang kanilang abutin kapag nasagasaan na ng mga ito ang petro smugglers. Ano na kaya ang kasasapitan ng mahal nating Pinas?
Sa halip na police colonel nga naman ay baka heneral na ang manghimasok para protektahan ang mga petro smuggler na tinatayang kumale na ng bilyong piso sa ilang buwan pa lang nilang operasyon gamit ang Batangas City Port at mga kanugnog na daungan.
Anila, kapag pinaandar na ng mga smuggler ang kanilang impluwensya at protection money ay di lamang sa “kangkongan” sila posibleng pulutin, kundi mas grabe pang kapahamakan ang kanilang sasapitin at maari pang madamay ang kani-kanilang pamilya?
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.