Advertisers
BINALAAN ni Philippine National Police- Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) Director, Brigadier General Joel Doria, ang mga lehitimong may-ari ng GCash account na huwag ibebenta ang mga ito sa ibang tao, dahil maaring magamit ito sa hindi magandang gawain.
Ito’y matapos maaresto ng Eastern District Anti-Cybercrime Team (EDACT) ng PNP-ACG ang dalawang indibidwal na nangangalakal ng mga beripikadong GCash account sa Pasig City, Martes ng gabi.
Kinilala ni ACG Public Information Office chief, Lt. Colonel Jay Guillermo, ang mga naaresto na sina Jomel Sichon at Mark Ray Veroy.
Unang inaresto sa entrapment operation si Sichon matapos magbenta sa undercover operatives ng 10 verified GCash account na nasa sim card sa halagang P800 bawat isa.
Itinuro naman ng unang suspek si Veroy bilang supplier ng SIM cards, na nahuli sa follow up-operation.
Sinabi ni EDACT Team leader Police Major Ely Compuesto II, malimit ginagamit ng mga scammer ang mga beripikadong GCash account na binibili nila sa mga lehitimong may-ari online, para itago ang kanilang totoong identity sa mga pulis at sa mga potensyal na biktima.