Advertisers

Advertisers

Jeric napatunayan ang husay sa akting sa ‘Broken Blooms’

0 679

Advertisers

Ni RODEL FERNANDO

NAPANUOD namin ang pelikulang Broken Blooms sa red carpet premiere nito kamakailan sa SM The Block Cinema 2 at hindi kami nabigo dahil maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Sabi nga ay napapanahon ang movie lalo na’t dumadaan pa rin tayo hanggang ngayon sa pandemya. Umiikot kasi ang kuwento ng pelikula sa panahon ng Covid 19 na maraming buhay at hanapbuhay ang naapektuhan.
Naitawid ng pelikula ang makatotohanang paglalarawan sa mga pinagdaanan ng mga tao lalo ang hirap at pagsubok habang nilalabanan ang pandemya. Mararamdaman ang pait at lungkot sa bawat karakter na hahaplos sa iyong puso.
Of course, hindi lang naman ito tungkol sa pandemya. May mga aral din na gustong ipamulat ang pelikula sa mga manonood. Isa na rito ang hindi magandang naidudulot ng maagang pag-aasawa, pagmamahal na walang hinahangad na kapalit at pagsasakripisyo sa mga mahal sa buhay. Nagsilbing lakas din ang mga ito sa ikinaganda ng movie.
Malaking factor din ang pagganap ng mga artista lalung-lalo na si Jeric Gonzales. Hindi na kami nagtataka kung bakit kinilala ang husay niya sa iba’t ibang international film festival. May isang eksena siya na sa isang mata lang pumatak ang luha. Napakahirap gawin nito at isang artista lang ang kilala naming nakagagawa nito at iyun ay si Nora Aunor. Pero nagawa ito ni Jeric kaya humanga kami sa kanya.
Outstanding din ang ipinakitang pag-arte ni Boobay lalo na sa confrontation scene nila ni Jeric. Hindi lang siya magaling na komedyante kundi mahusay din siya bilang dramatic star.
Wagi rin ang very natural acting ni Royce Cabrera. Hindi rin nagpatalbog si Teri Malvar na mahusay sa lahat niyang eksena. Happy rin kami sa kaibigan naming direktor na si Louie Ignacio dahil beautifully directed ang kanyang Broken Blooms.
Palabas na ang pelikula sa December 14 na handog ng BenTria Productions ni Engineer Benjie Austria.
***
IPINAGMAMALAKI ni Engineer Benjie Austria ang pelikulang Broken Blooms na hanggang ngayon ay tuluy-tuloy ang pag-ani ng award sa iba’t ibang international film festival. Sa ginanap na red carpet premiere kamakailan ay nagpasalamat siya sa mga papuri sa kanyang first produced movie.
“This is my fist venture into the film industry. Nagpapasalamat ako na we have a good quality film na nananalo sa iba’t ibang bansa. I hope i can produce more movies,” aniya.
Pinasalamatan din niya ang cast, ang kanyang line producer na si Dennis Evangelista at siyempre ang direktor nito na si Louie Ignacio. Sobrang happy ni Engineer Benjie sa kinalabasan ng pelikula at sabi nga niya ay magpoprodyus pa siya para na rin makatulong sa mga manggagawa ng Pelikulang Pilipino.
Pinag-aaralan na niya ngayon kung ano ang susunod na pelikula na kanyang gagawin. Sabi pa niya noong event ay mas paghahandaan niya ang next movie na ipoprodyus.
Nananawagan pala siya na sana ay suportahan ang Broken Blooms lalo na’t kinilala na ito sa ibang bansa.
“Kung tayo nakatanggap ng karangalan sa ibang bansa why not here so we need your support,” pakli pa ng mabait na movie producer.
Siyangapala, sina Jeric Gonzales at Royce Cabrera ay nasa Davao sa Meet and Greet ng movie sa NCCC Davao, 2pm sa Dec 17 at sa GAISANO Davao, 6pm sa December 17 din.