Advertisers
PINAGMULTA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang motorcycle taxi platform na Move It ng P555.75 milyon dahil sa pagkuha ng mas maraming rider kaysa sa pinapayagang allocation nito.
Sa desisyon ng LTFRB dated Oktubre 9, napatuna-yang administratively liable ang Move It, na ino-operate ng We-Load Transcargo Corporation, dahil sa onboarding, accreditation, registration, activation at pagpapanatili ng riders na lampas sa itinakdang limitasyon.
Awtorisado lamang ang kumpanya na magkaroon ng kabuuang 17,746 rider-partners sa Metro Manila, Cebu City at Cagayan de Oro City.
Gayunman, sinabi ng LTFRB na umabot sa 55,575 ang bilang ng riders, lampas sa pinapayagang allocation.
Dahil dito, nagpataw ang ahensya ng multang P10,000 sa bawat excess rider o ka-buuang P555.75 milyon.
Binalaan din ang Move It na maaaring masuspinde o mabawi ang accreditation nito kapag ‘di nagbayad ng multa.
Inatasan din ang kumpanya na huwag tumanggap ng mga bagong rider sa loob ng isang taon at bawasan sa 6,836 ang bilang ng riders nito.
Sinabi naman ng LTFRB na gumagawa ito ng mga hakbang upang maprotektahan ang kapakanan ng mga rider na maaaring maapektuhan ng kautusan.
Ayon sa ahensya, marami sa mga rider ang kumilos ng may mabuting paniniwala na pinahihintulutan silang bumiyahe sa ilalim ng umiiral na mga patakaran.
Naghain na ang Move It ng ‘motion for reconsideration’ laban sa desisyon.
Paliwanag ng kumpanya, likas na pabago-bago ang bilang ng aktibong riders sa gig economy dahil malaya silang mag-online at offline depende sa kanilang iskedyul.
Iginiit din ng Move It na patuloy itong makikipag-ugnayan sa mga regulator upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga rider-partners nito.
Hanggang ngayon, wala pang batas na ganap na nag-reregula sa motorcycle taxi sector, na kasalukuyang pinamamahalaan sa ilalim ng mga kautusan at regulasyon ng Department of Transportation at LTFRB.(Boy Celario)