Advertisers
KINUWESTYON ni House impeachment adviser at tagapagsalita Ace Barbers kung paano nagagawang pangasiwaan ng Cale88 Foods Corp., isang kompanyang nag-e-export ng banana chips na iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Z. Duterte, ang malalaking transaksiyon sa negosyo gayong wala itong regular na empleyado sa loob ng tatlong taon.
Ayon kay Barbers, walang iniulat na rank-and-file employees ang kompanya mula 2022 hanggang 2024 at dalawa lamang ang naitalang empleyado noong 2025.
Dahil dito, kinuwestiyon niya kung paano napangangasiwaan ng kompanya ang operasyon nito sa pag-e-export habang humahawak ng daan-daang milyong pisong transaksiyon.
“Ang negosyo nila ay isang banana chip export business na kumikita ng daang-daang milyong piso kahit hanggang dalawa lamang ang iniulat na empleyado mula sa taong 2022 hanggang 2025,” pahayag ni Barbers sa isang press briefing.
“Pero ang nai-export nila ay daang-daang milyong halaga na ang dalawang empleyadong talagang superman siguro ito, no?” dagdag pa niya.
Binanggit ni Barbers ang mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakita ng kabuuang P776.64 milyong pondong pumasok sa Cale88 sa loob ng apat na taon.
Aniya, nagbubunsod ng mga katanungan ang kakaunting bilang ng mga empleyado ng kompanya, partikular sa laki ng aktuwal nitong operasyon at pinagmulan ng mga pondong pinamamahalaan nito.
Itinatag ang Cale88 noong 2021, kung saan may 47.5 porsiyentong pagmamay-ari si lawyer Manases Carpio, asawa ni Duterte.
Sinusuri rin ang kompanya kaugnay ng naiulat na pagbebenta nito sa Pikimong Pikimong Philippines Corp. noong 2025.
Sa naunang testimonya sa impeachment court ng Senado, lumitaw na may ilang transaksiyon ang Cale88 na na-flag ng AMLC, kabilang ang mga remittance mula China.
Gayunman, nilinaw ng AMLC na hindi awtomatikong nangangahulugan ng money laundering ang mga kahina-hinalang transaksiyon at kailangan pa itong sumailalim sa masusing pagsusuri.
Patuloy na sinusuri ng prosecution panel ang mga rekord pinansiyal ng kompanya bilang bahagi ng Article II ng impeachment case laban kay Duterte, na may kaugnayan sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.