Advertisers
NASAKOTE ng mga operatiba ng Fugutive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) nitong January 8 ang isang lalaking Chinese at dalawa babaeng Chinese na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pagkakaugnay sa krimeng pang-ekonomiya.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga puganteng naaresto sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Paranaque na si Cheung Wa, 56.
Si Cheung na naaresto Brgy Tambo ay wanted sa Public Security Bureau of Fuding City dahil sa pagkakaugnay sa economic crimes sa China. Sinasabing nakapagtatag ang suspek nang ilang investment companies na nakapanloko ng mahigit 100 biktima dahil sa pagkukunwari nito bilang isang real estate company na nangangako ng high interest rates. Ang scam ay nagkakahalaga ng 40 Million RMB o tinatayang P326.5 M Pesos.
Naaresto din ng kaparehong araw sa New Seaside Drive, Parañaque sina Chau Mut Hing, 63 at Zhang Yi, 50.
Sinabi ni Tansingco na ang dalawa ay subject ng arrest warrants na inilabas noong December ng prosecutor’s offices sa Yangzhou, Jiangsu province at Shanghai City, China.
Ang dalawa ay inaakusahang miyembro ng sindikato na may kinalaman sa oil smuggling at paggawa ng mga counterfeit commodities.
Sinabi ni BI FSU Chief Rendell Ryan Sy na agad na dinala ang tatlong pugante sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig kung saan sila mananatiling naka-detained habang naghihintay ng kanilang deportasyon. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)