Advertisers
INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Philippine National Police (PNP) kung paano naitalaga sa PNP Drug Enforcement Group (DEG) ang pulis na naaresto Lunes ng gabi ng NCRPO Regional Drug Enforcement unit sa buy-bust operation sa Sta. Cruz, Manila.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Colonel Red Maranan, bagong talaga lang si Staff Sergeant Ed Dyson Banaag sa PNP-DEG nitong Enero 4 mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at hindi pa ito nakakapag-report sa kanyang bagong tanggapan sa Camp Crame.
Paliwanag ni Col. Maranan, kung si Banaag ay target ng buy-bust operation na ilang buwan pinagplanuhan, hindi na sikreto na may kaugnayan ito sa iligal na droga, kaya nakapagtataka na nalipat pa siya sa DEG.
Sinabi ni Maranan na dapat ay may “vetting” at dumaan sa masusing background check ang lahat ng mga tauhan na nakakapasok sa isang sensitibong unit tulad ng DEG.
Ayon pa kay Maranan, iimbestigahan nila kung may kaugnayan si Banaag kay Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. na miyembro rin ng PNP-DEG Special Operations Unit sa National Capital Region, na nakunan ng P6.7 billion halaga ng shabu sa loob ng kanyang lending company sa Quiapo, Manila noong Oktubre 2022.
Pinuri naman ni Maranan ang pagkakaaresto ng NCRPO kay Banaag, patunay aniya na seryoso ang PNP sa paglilinis ng “ninja cops” sa kanilang hanay.