Advertisers
NAKAPAGTALA ang Department of Education (DepEd) ng 404 kaso ng suicide o pagpatiwakal ng mga estudyante nitong nakalipas na dalawang taon.
Sa pagdinig ng committee on basic education and culture sa isang panukala para sa pagpapalakas ng promosyon ng mental health services sa mga paaralan, ibinunyag ni DepEd Assistant Secretary Dexter Galban na nitong taon 2021-2022, 404 estudyante ang nag-suicide at 2,147 ang nagtangka magpakamatay.
Inihayag din ng DepEd na nakapagtala sila ng 775,962 estudyante na nagpasaklolo sa mga guidance counselor na katumbas ng 2.85 porsyento ng kabuuang populasyon ng mga estudyante sa basic education.
“We have roughly 775,962 learners and this is based on 2021 data that is approximately two point 85% of the population again, we believe that this is potentially underreported given the lack of guidance counselor’s in schools,” saad ni Galban.
Sinabi rin ni Galban na isang porsyento ng kabuuang populasyon ng mga estudyante sa bansa ang nakakaranas ng pambu-bully.
Isa pa aniya sa problemang kinakaharap ang kakulangan ng guidance counselor sa mga paaralan sa bansa. Sa kasalukuyan, 2,093 guidance counselors ang nakarehistro sa DepEd.
“And at the same time, in terms of the number of schools that we have this 60,157. Of these, the total number of guidance officers is only 16,557 and the total number of registered guidance counselors within the agency is roughly 2,093. So clearly, a very small number, in contrast to the concerns raised,” sambit ni Galban.