Advertisers
Nakararaming kababayan natin ang kuntento raw sa panunungkulan ni Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) at Pangalawang Pangulong Inday Sara, sa unang anim na buwan pa lamang nila sa kanilang mga posisyon.
Ito ang lumabas sa survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) na kanilang prinisinta pa sa Asian Institute of Management sa Makati City noong isang linggo.
‘Satisfaction rating’ ang tamang salitang ginagamit dito. Sabi ng SWS si PBBM ay nakapagtamo ng “very good” na satisfaction rating na +68 sa kanilang survey na ginawa mula December 10 hanggang December 14 ng nakaraang taon.
Tumaas pa nga raw ito mula sa +63 na nakuhang satisfaction rating ni PBBM sa kaparehong survey na ginawa naman noong September 29 hanggang October 2.
Si Inday Sara naman ay nakakuha ng “excellent” rating na +77 noong December at +73 noong October.
Nakuntento ang ating mga kababayan sa dalawang pinaka-mataas nating opisyal ng pamahalaan, sa kanilang pagpapatakbo o pamamahala sa mga isyung gaya ng kampanya laban sa iligal na droga, korupsiyon, at pakikipag-tulungan sa mga karatig at ibayong bansa.
Malinaw rin na kuntento ang mga Pinoy sa serbisyo nila PBBM at Inday Sara, lalo na sa pagbibigay tulong sa ating mga mahihirap.
Makikita naman ang kanilang sinsiridad at sipag dahil di lamang ang pinaka-mataas na posisyon sa bansa ang kanilang ginagampanan. Si PBBM ang namumuno rin sa ating Department of Agriculture na kailangang-kailangan ng bansa. Ito ang ahensiyang gumagalaw para tayo ay magkaroon ng food security.
Samantalang si Inday Sara naman, ay tumatayo rin Kalihim ng Edukasyon na kailangang-kailangan din ng bayan para sa ating mga kabataan.
Tama lang ang lumabas na resulta ng SWS at sigurado ako na tataas pa ang satisfaction rating ng dalawang opisyal na ito ng ating pamahalaan. Keep up the good work mam, sir.