Advertisers
ISINIWALAT ng Maritime Industry Authority (MARINA) nitong Martes, Marso 14, na walang permit nang maglayag ang MT Princess Empress na lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro at naging dahilan ng oil spill sa ilang baybay-dagat ng bansa.
Sa Senate hearing ng Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change sa oil spill sa Mindoro, ibinahagi ng MARINA na walang permit ang may-ari ng tanker para magsagawa ng nasabing operasyon.
May pending application ang kompanya para amyendahan ang Certificate of Public Convenience nito.
Patuloy pa rin ang pagkalat ng oil spill dahil sa paglubog ng naturang barko na may kargang 800,000 litro ng industrial oil noong Pebrero 28 sa bahagi ng Naujan.
Sa pag-aaral ng University of the Philippines (UP) Marine Science Institute, maaaring umabot at makapinsala narin ang oil spill sa Verde Island Passage (VIP) na siyang global center ng marine biodiversity at nagbibigay-benepisyo sa tinatayang 2-milyong indibidwal.