Advertisers
KAGULO na ilang ahensiya ng gobyerno patungkol sa isyu ng paglubog ng MT Princess Empress sa karagatan sakop ng lalawigan ng Oriental Mindoro noong nakalipas na madaling-araw ng Pebrero 28.
Ang pahayag ng Maritime Industry Authority (MARINA) ay walang tinatawag na Certificate of Public Convenience o CPC ang naturang barko na may lulan na 991,984 litro ng langis.
Sinalungat naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naturang pahayag ng MARINA makaraan ipakita nito sa publiko ang dokumento na nagpapatunay na may CPC kung saan kabilang ang lumubog na barko.
Hindi na bago ang ganitong eksena sa pagitan ng dalawang nabanggit na ahensiya tuwing may ganitong insidente sa karagatan subalit madalas talaga mapukol ng sisi ay ang PCG habang tumatagal ang isyu.
Ganito kasi iyan, taumbayan… kung walang CPC gaya ng pahayag ng MARINA ay tiyak mananagot ang PCG dahil pinayagan nila ang barko na lumayag kahit wala itong permiso mula sa MARINA.
Kaya matulin pa sa kidlat na ipinakita ng PCG ang kopya ng CPC para lusot sila sa bintang na kapabayaan ng kanilang ahensiya na may mandato sa tinatawag na Safety Of Life At Sea (SOLAS).
Aba’y umeksena naman ang Department of Justice (DOJ) nang ihayag nito na hindi bago ang naturang barko gaya nang inihayag ng may-ari. Isa raw itong luma o bulok na dapat sana ay kinatay nang matagal.
Kung nagulat kayo sa balitang ito ng DOJ, ako ay hindi na! Maraming barko sa Pinas ang saksakan ng luma ang patuloy na naglalayag pero hindi naman lumulubog gaya ng nangyari. Dati nang isyu ito, hindi na bago!
Hindi na bago ang mga isyung iyan pero ito ang nasisiguro kong bago na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno lalo na ng mga kagawad ng PCG – may libu-libong langis ang dapat tanggalin sa ating karagatan.
Bago man o luma ang naturang barko, may permiso o wala ay wala nang saysay iyon kasi nangyari na ito kung saan wala naman namatay sa mga tripulante nito pero yung epekto ng kanilang kargamento ang papatay sa mga kababayan natin kapag pulos sisihan ang gagawin ng mga ahensiya ng gobyerno.
***
Para sa komento o suhestiyon: [email protected]