Advertisers

Advertisers

NAGTITIWALA PO KAMI SA INYO, SIR GEN. ACORDA!

0 176

Advertisers

IPAGPAPATULOY niya, sabi ng ating bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) Director General Benjamin Acorda Jr. ang sinimulang paglilinis sa pulisya ng sinundan niyang “boss”, retiradong DG Rodolfo Azurin Jr.

Teka, e ano itong ipinag-iingay ni Interior Sec. Benjamin Abalos na may mga heneral at koronel na sangkot sa ilegal na droga?

Hindi oobligahin ni Sec. Abalos na mag-submit ng courtesy resignation ang mga koronel at heneral kung totoo ngang naglinis si Azurin, naitatanong ko lang po.



Sa kabilang banda, mali sa tingin ng marami ang padaskol na akusasyon ni Sec. Abalos na massive cover-up sa 990 kilong shabu na nasamsam sa isang “decorated non-commissioned police officer” na si Sgt. Rodolfo Mayo Jr.

E ano ba ang alam niya sa anti-illegal drugs strategy ni Gen. Azurin at ibang heneral para tuluyang masikwat ang tunay na lider ng P6.7 bilyong shabu.



Tapos nang maimbestigahan ang 939 heneral at koronel na pinag-courtesy resignation, nang imbestigahan ng Napolcom, 917 ang malinis.

E, ano na ang mangyayari sa sinasabing 17 “maruming pulis” na sabi ni Abalos ay sangkot sa ilegal na droga.



Hindi raw kasi makatatayo sa korte ang alegasyong mula sa tsismis.

Eniwey, iba raw itong si Acorda na sabi ng nakausap kong PNP top officials, matikas ito na tahimik lang pero marami tiyak na wawalisin ang dating hepe ng PNP directorate for intelligence at humawak ng maraming mabibigat sa tungkulin sa ahensiya.

Sana, bago siya magretiro sa Disyembre 3, talagang malinis na ang PNP.

Sa mensahe ni Gen. Acorda, baston sa mga loko at gantimpala sa matitino ang iiral sa PNP, at ang imbestigasyon sa anomalya, ito ay “quick and decisive.”

Maraming duming lilinisin si Gen. Acorda at kakailanganin ang balde-baldeng disinfectant para maalis ang bantot na ikinalat ni Abalos sa PNP.

Nahati ang PNP sa akusasyong massive cover-up ni Abalos.

Low morale ang maraming opisyal pero sa pag-upo ni Chief PNP Acorda ay nagtitiwala kami na maibabalik niya ang tiwala at kumpiyansa ng taumbayan sa ating pambansang pulisya.

Kikilos siya, pangako ni Gen. Acorda, nang parehas at idadaan sa proseso ang lahat, at pagkakaisahin niya ang PNP.

“…we will establish unity, promote patriotism and uplift morale, strengthen cooperation, and instill discipline in the organization,” mensahe niya sa pagtanggap ng mabigat na tungkuling buuin at gawing nagkakaisa sa paglaban sa kriminalidad at pagtataguyod ng katahimikan at kapayapaan sa ating bansa.

Uusigin daw niya ang mga bugok sa pulisya, at gagantimpalaan ang mahuhusay at magpapakita ng dignidad at propesyonalismo sa pagtupad sa tungkulin.

Ito ang gusto ko sa sinabi ni Gen. Acorda: “No police should be involved in pushing, using or whatever means of illegal trade. You will be charged and removed from the service.”

Hindi lang motto ang “Serve and Protect” sa panunungkulan niya, sabi ni Gen. Acorda at sinabihan ang 228,000-strong PNP na tunay na maging lingkod ng bayan sa matapat na pagpapatupad sa batas.
***
Sabi ng ilang top PNP officials, tama na pinili ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. si Gen. Acorda dahil mataas ang respeto sa kanya ng kapwa heneral at koronel at tahimik lang ito, pero pag kumilos, tiyak na may paglalagyan ang mga loko.

Kumpiyansa si PBBM, kung anoman ang alingangas at pagkakahati sa PNP, mapapakalma at mapagkakaisa ni Gen. Acorda.

Kababayan ni PBBM si Acorda na taga-Ilocos Norte at ang ama ay dating AFP personnel na naging abogado at nagbibigay ng libreng legal assistance sa mahihirap sa La Union.

Nars ang mommy niya, si Ma’am Purificacion Casuga-Acorda at bayani ng World War II ang lolo niyang si Capt. Felipe Casuga.

Sabi ng Pangulo, buo ang kumpiyansa kay Gen. Acorda at pinili ito base sa magaling na trabaho bilang opisyal ng PNP.

“He is well recognized in the police force and even among civilians especially when he was PD (provincial director) and RD (regional director). Of course, we would hear reports about him and they were all good. That’s why I said he is the best fit (to be chief),” sabi ni PBBM.

Inutusan na niya si Acorda na trabahuhin nang husto ang mga sangkot sa ilegal na droga, lalo na ang tungkol sa 990 kilong shabu na iniwang problema ni Azurin sa PNP.

Magaling ang bagong PNP chief, sabi ng Pangulo: ” believe that this guy is very steady, our new PNP chief. So, I think all of that will calm down until the job is done.”
***
Buo rin ang tiwala ni Senate President Migz Zubiri kay Acorda na noong madestino sa Northern Mindanao, naitala ang 9.40 percent drop sa kriminalidad mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Hanga si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa pagpili ng Presidente kay Acorda na ito ang “right and the best choice” at napakalawak ang kaalaman at karanasan sa counter-intelligence.

Ito, sabi ng dating PNP chief na kailangang-kailangan para malinis ang PNP.

Silent operator at a very professional officer si Acorda.

At sabi ni Sen. Bato, hindi kayang palambutin ng tiwaling politiko.

Maging si Sen. Risa Hontiveros ay tiwala na malilinis ni Gen. Acorda ang PNP sa mga scalawags.

Idealistic at propesyonal ito, sabi ni Hontiveros, at si Gen. Acorda ang opisyal na maglilinis sa PNP.

Kami sa National Press Club (NPC) at pahayagang ito ay gayundin ang patitiwala sa ating bagong PNP Chief na marereporma at malilinis sa tiwali ang pambansang pulisya.

Sanlibong saludo po sa inyo, Sir Gen. Acorda.

Tiwala kami sa NPC at pahayagang ito sa inyong kakayahan, talino, tapang at malinis na kalooban, ang PNP ay magiging tunay na tagapaglingkod at tagapamayapa ng bayan.

Nagtitiwala kami at lubos na susuporta sa inyong misyong palakasin laban sa kriminalidad ang PNP at maging tunay na tagapagtanggol ng bayang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.