Advertisers
“VAPE TO QUIT SMOKING”.., taktikang pang-eengganyo mula sa VAPE INDUSTRY na lingid sa kaalaman ng publiko’y sumisira rin sa kalusugan ng VAPE USERS na maging sa hanay ng mga kabataan ay dumarami na rin ang nalululong sa paggamit ng VAPORIZED NICOTINE AND NON-NICOTINE PRODUCTS.
Bunsod nito ang grupong CHILD RIGHTS NETWORK (CRN) at ang PARENTS AGAINST VAPE (PAV) ay nananawagan sa DEPARTMENT OF EDUCATION (DEPED) at sa COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED) na palakasin ang kampanya at impormahan ang mga kabataan sa negatibong epekto ng VAPE para sa kalusugan ng tao.
Sa isang joint statement nitong nagdaang Lunes, ang CRN at PAV ay nanawagan sa DEPED at CHED na paigtingin ang pagpapatupad ng VAPORIZED NICOTINE AND NON- NICOTINE PRODUCTS REGULATION ACT (RA 11900) sa paraang mag-isyu ng karagdagang guidelines bukod sa inilabas na administrative order ng DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY (DTI) hinggil sa nasabing batas.
Ipinunto ni CRN CONVENOR MR. ROMEO DONGETO na bagama’t naglabas na ang DTI ng administrative order upang ipatupad ang batas ay napakahalaga ang magiging partisipasyon mula sa ahensiya ng edukasyon para mapigilan ang paggamit ng vape sa mga kabataan.
Ang siste mga ka-ARYA.., sa resulta ng 2019 GLOBAL YOUTH TOBACCO SURVEY ay 14.1% ng mga mag-aaral ang gumagamit ng electronic cigarettes; 20.9% ay mga batang lalaki at 7.5% ng mga batang babae na may edad na 13 hanggang 15 dito sa ating bansa na kung aanalisahin ay 1 sa 7 mag-aaral o 1 sa bawat 5 batang lalake at halos 1 sa bawat 10 batang babae ang nalululong o gumagamit ng electronic cigarettes.
“Nakababahala ang resulta ng 2019 Global Youth Tobacco Survey. Huwag nating hayaang patuloy na abusuhin ng vape industry ang ating mga kabataan gamit ang kanilang marketing tactics. Kung hindi natin lalabanan ang panlilinlang ng vape industry, lalala pa ang nicotine addiction sa kabataan at patuloy na malalagay ang kanilang kalusugan sa panganib.., kailangan nating protektahan ang karapatang ng ating mga kabataan sa magandang kalusugan at kapaligiran na ligtas sa tabako at nikotina,” pahayag ni DONGETO na aniya ay kailangang bigyang prayoridad ng DEPED at CHED ang pagpapatupad ng batas na nagreregula sa paggamit ng vape at paigtingin pa ang mga hakbang upang labanan ang vape epidemic sa mga kabataan.
Bukod sa panawagan sa ahensiya ng edukasyon ay nanawagan din ang CRN at PAV sa DTI na paigtingin ang pagpapatupad ng RA 11900 at subaybayan ang mga nagbebenta ng e-cogarettes at heated tobacco products upang masupil ang mga lumalabag sa mga restriksiyon sa flavor descriptions at marketing strategies.
“Malaki ang papel ng DTI upang protektahan ang kalusugan ng ating kabataan. Bilang pangunahing ahensiya sa pagpapatupad ng RA 11900, binibogyang-diin ng batas ang kapangyarihan at responsibilidad ng DTI upang masiguro ang proteksiyon ng kabataan laban sa marketing tactics ng tobacco at vape industry,” saad naman ni PAV PRESIDENT MS. IMELDA ESPOSADO-GOCOTANO.
Mgaka-ARYA.., dapat ay ipairal din sa lahat ng mga paaralan na ipagbawal sa mga TEACHER ang pagbi-VAPE sa SCHOOL COMPOUNDS upang huwag silang magaya o gayahin ng mga mag-aaral.., sa gayon ay maingatan ang kalusugan laban sa VAPE!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 09194496032 para sa inyo pong mga panig.