Advertisers
NILINAW ng Department of Information and Technology (DICT) na hindi data breach o hacking kundi data leak ang nangyari sa recruitment portal ng Philippine National Police (PNP).
Ginawa ni DICT Secretary Ivan John Uy ang pahayag matapos lumabas sa inisyal nilang imbestigasyon na nagbukas ng recruitment site ang pambansang pulisya kung saan maaaring mag-apply ng trabaho ang mga gustong maging pulis nang walang security features.
Sa press briefing sa Malacañang, isiniwalat ni Uy na nakatiwangwang lamang ang employment portal kaya’t kahit sinong bibisita dito ay makikita o mababasa ang impormasyon ng mga aplikante.
Kaya nilinaw ni Uy na walang data breach o malawakang pangongopya ng data sa mga ahensya ng gobyerno.
Dahil dito, agad na lumiham ang DICT sa PNP at pinayuhang isarado muna ang portal habang patuloy na naghahanap ng bagong sistema para maprotektahan ang kanilang mga data at hindi na maulit ang kaparehong insidente. (GILBERT PERDEZ)