Advertisers
Salamat Sa Diyos Sa Ngalan NIyang Jesus, Amen.
Sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session noong Sabado, ika 29 ng Abril 2023, tinalakay ng mga dumalong Kadugo ang Deuteronomio 22:5. Kautusan sa pananamit ng mga mananampalataya ang tinutukoy doon. Sa katotohanan, pagbabawal ang nilalaman ng Deuteronomio 22:5.
Ganito po ang pagbabawal na mababasa doon: “Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae….” Pero maliban sa pagbabawal, may paliwanag ang Deuteronomio 22:5 kung bakit bawal sa mga babae at mga lalaki ang magsuot ng mga damit na para sa opposite sex.
Sabi ng Bibliya, “Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.” Pansinin po natin. Hindi lamang galit ng Diyos ang tatanggapin ng mga lumalabag sa utos. Nasusuklam ang Diyos sa mga babae na nagsusuot o nag-i-itsurang lalaki, at sa mga lalaki na nagsusuot o nag-i-itsurang babae.
Ang simpleng kahulugan ng salitang “nasusuklam” ay “namumuhi”. Kapag nasusuklam ang isang tao sa kaniyang kapwa, ni ayaw niya itong tingnan, ni ayaw niya itong lapitan. Ganundin, kasama ng pagkasuklam sa kapwa ang pagtanggi ng nasusuklam na kausapin o pakinggan man lamang ang sinasabi ng tao na kaniyang kinasusuklaman.
At bunga ng pagkasuklam na ito, tiyak hindi makakatikim ng pagkalinga, o pagpapala, ang kinasusuklamang tao, mula sa nasusuklam niyang kapwa. Nakakatakot mang isipin, tiyak ganito ang sitwasyon ng isang tao na kinasusuklaman ng Diyos. Hindi pakikinggan ng Diyos ang mga panalangin ng Kaniyang mga kinasusuklaman.
Tiyak din na ang mga kinasusuklaman ng Diyos ay hindi Niya papayagang makalapit sa Kaniya. Hindi din Niya pakikinggan at hindi Niya tutugunin ang kanilang mga panalangin. Sa kabuuan, kapag nasusuklam ang Diyos sa isang tao, hindi Niya ito pagpapalain, hindi Niya ito gagabayan, at hindi Niya ito bibigyan ng proteksiyon. Hahayaan niya silang mapariwara.
Dahil dito, ang mga tanong ng ilang mga Kadugong dumalo sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session noong Sabado ay mahalaga. Bakit ba ipinagbabawal ng Diyos ang pagsusuot ng mga babae ng kasuotang panlalaki? At bakit ba ipinagbabawal Niya ang pagsusuot ng mga lalaki ng kasuotang pambabae?
Ganundin, bakit nasusuklam ang Diyos sa mga babaeng nag-a-anyong lalaki, at sa mga lalaking nag-a-anyong babae? Ano kaya ang malalim na dahilan ng Diyos sa utos Niyang ito? Ang mga sagot dito ay makikita sa umpisa pa lamang ng Aklat ng Deuteronomio. Ang pagbabawal na ito ng Diyos ay ipinaliwanag sa kasaysayan ng mga Israelita.
Ipinakita sa unang limang kapitulo ng Deuteronomio ang mga Israelita matapos silang makalaya sa apat na raang taon ng pagka-alipin sa Egipto. Sa gabay ng Diyos, naglakbay sila mula sa Egipto upang makarating sa lupang ipinangako ng Diyos sa kanila. Dumaan sila sa maraming mga bayan na nasasakupan ng maraming mga hari.
Sa kabuuan, hindi naging madali ang paglalakbay ng mga Israelita patungo sa Lupang Pangako. Paulit-ulit nilang ipinakita ang katigasan ng kanilang mga ulo. Lagi silang naghihimagsik laban sa mga utos ng Diyos. Tumatanggi sila, sa maraming pagkakataon, na sumunod sa mga kautusang ibinigay ng Diyos sa kanila.
Marami pa sa kanila ang nagrereklamo sa pag-alis nila sa Egipto. Inirereklamo din nila ang hirap, uhaw, at gutom, na kanilang naranasan sa kanilang paglalakbay. Bunga nito, pinulong ni Moises ang lahat ng mga Israelita na kasama niyang naglalakad patungo sa Lupang Pangako. Sa pulong na ito, inilahad niya ang mga utos ng Diyos.
Sinabi ni Moises sa mga tao na kailangang sundin nila ang mga utos at alituntunin ng Diyos. Ipinagdiinan niya na sa pagsunod ng mga tao sa mga utos, pagpapala ang darating sa kanila. Kung maalala natin, ang mga pagpapalang matatanggap ng mga tao kung sila ay tapat na makikinig at susunod sa mga utos ng Diyos ay kasama na sa Aklat ng mga Pagpapala.
Matatagpuan ang Aklat ng mga Pagpapala sa Deuteronomio 28:1-14 ng Bibliya. Sa kabilang dako, limampu’t tatlong mga sumpa ang ibibigay naman ng Diyos sa mga di sumusunod. Ang mga sumpang ito ay itinala sa ngayon sa Aklat ng mga Sumpa ng Bibliya, na makikita sa Deuteronomio 28:15-68.
Ayon kay Moises sa Deuteronomio 4, kailangang pakinggan at sundin ng mga tao ang mga utos ng Diyos, dahil ang pakikinig at pagsunod sa mga utos ng Diyos ay may dalang pagpapala. Sabi ni Moises sa Deuteronomio 4:1: “Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo…” Kasabay ng utos na ito ang pangako ng pagpapala.
Ganito ang pagpapala: “… upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos…” Ayon kay Moises sa Deuteronomio 4:2, “… huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh…”
Kasama sa mga utos na dapat pakinggan at sundin ng mga tao ang nakasulat sa Deuteronomio 22:15. Huwag magsusuot ng taliwas na damit ang mga babae at lalaki. Bahagi ng utos na ito ang pagbabawal na mag-anyong lalaki ang mga babae, at ang pagbabawal na mag-anyong babae naman ang mga lalaki.
Malalim ang pinaghugutan ng utos na ito ng Diyos. Hindi ito basta na lamang ginusto ni Moises na ipagawa sa mga Israelita. May dahilan kung bakit may ganitong pagbabawal. Makakabuting unawain natin ang ugat ng pagbabawal na ito sa pag-aanyong lalaki ng mga babae, at sa pag-aanyong babae ng mga lalaki.
Kung maalala natin, noong nilikha ng Diyos ang buong kalawakan kasama na ang ating daigdig, may kaniya-kaniya ng kaanyuan at katangian ang lahat ng bagay. Sa Genesis 1, nabasa at napag-aralan natin sa mga nakalipas na mga Kapihang Kadugo ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo ang ginawang paglilkihang ito ng Diyos.
Nilikha Niya ang langit at lupa. Nilikha Niya ang liwanag at dilim, ang araw at gabi. Sa liwanag, nilikha niya ang araw, ang buwan, ang mga planeta. Sa dilim, nilikha Niya ang mga bituwin at iba pang mga bagay na nagbibigay liwanag sa kalawakan at sa sandaigdigan.
Noong lalangin Niya ang tao, dalawa lamang ang ginawa Niya. Isang lalaki at isang babae. Kakaiba ang itsura ng lalaki. Kakaiba din ang itsura ng babae. Bagamat hinugot ng Diyos ang babae mula sa tadyang ng lalaki, dahilan upang ang babae ay mula sa laman at dugo ng lalaki, magka-iba ang kanilang mga katawan.
Sa talino, dunong, at unawang taglay ng Diyos, may mahahalaga Siyang mga dahilan kung bakit iba ang itsura ng lalaki at iba ang itsura ng babae. Kumbaga, ang lalaki ay may bahaging kailangan upang sila ng babae ay magka-anak. Ang babae naman ay may bahaging tatanggap sa pagkalalaki ng lalaki para daluyan ng mga anak.
Para sa Diyos, banal ang mga pagkakaibang ito. Hindi ito dahil lamang sa kapritso ng Diyos. Layunin ng Diyos na lalaki ang lalaki, at babae ang babae, upang magpatuloy ang lahi ng tao. Makikita natin sa Genesis 1:28 naakma itong mga pagkakaibang ito sa mga unang utos ng Diyos sa tao: “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig…”
Ang problema lamang, dahil nagpakasama na ng husto ang mga sumunod na mga tao, maraming mga babae na ang gustong mag-anyong lalaki. Ganundin sa mga lalaki. At sabi nga sa Roma 1, hindi na lamang pag-aanyong lalaki o babae ang ginagawa na ng iba. Nilalabag na nila ang kalikasang bigay ng Diyos sa mga lalaki at babae.
Sa pagkakalikha ng Diyos sa mga tao, kailangang ang lalaki ay sa babae makikipag-ugnayan, upang dumami ang kanilang lahi. Pero, iba na ang nangyayari ngayon. Lalaki sa lalaki na. At babae sa babae na din. Sa puntong ito, liwanagin natin, hindi sinasabi ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo na kasalanan ang pagiging bakla o tomboy.
Ang punto lamang dito, maaaring bakla o tomboy man ang lalaki o babae pero, kailangan niyang umayos, mag-asal, mag-asta, at itampok, ang kasariang bigay sa kanila ng Diyos. Kailangan ng mga tomboy at mga bakla, at ng lahat na ng tao, na igalang at parangalan ang Diyos sa pagsunod sa Kaniyang mga utos at tuntunin, partikular sa kasarian.
Kung lalabagin nila ang kasariang bigay ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng pagdadamit ng taliwas sa kanilang kasarian o di kaya ay pakikipag-ugnayan sa laman sa kapareho nilang lalaki o kapareho nilang babae, sumpa ng Diyos ang tiyak na darating.
Kung titingin tayo sa paligid, ito na nga ang nangyayari sa kasalukuyan. Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
REAKSIYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cell numbers 0947 553 4855.