Advertisers
IPINAGDIDIINAN nitong mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF na bagamat inaaming patay na ang kanilang lider na si Benito Tiamzon at ang asawa nitong kanilang secretary general na si Wilma Tiamzon, maling kwento raw ang idinadahilan ng ating kasundaluhan sa pagkamatay ng mag-asawa.
Sa version ng CPP-NPA-NDF, ang dalawa raw ay napatay ng militar sa pagto-tortue sa mga ito. At malaking kasinungalingan raw ang bersiyon ng militar na ang mag-asawang Tiamzon ay napatay sa pagsabog ng kanilang bangkang sinasakyan habang tumatakas sa paghuli ng mga tropa ng ating pamahalaan.
Inilabas ng mga komunistang-teroristang mga ito ang ganitong propaganda ilan araw bago iniulat ng Sandatahang Lakas na isa na namang lider ng mga CPP-NPA-NDF ang kanilang napatay sa isang enkwentro sa Negros Occidental.
Sa ulat ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army kinilala ang napaslang na lider na si NDFP consultant Rogelio Posadas alias “Putin”, na nadale sa serye ng enkwentro sa boundary ng Isabela at Balbagan, Negros Occidental noong April 20.
Iniulat pa ng 303 IB, na si Posadas ay di lamang consultant ng NDFP, kung di, isang “top leader” din ng NPA Komiteng Rehiyon- Negros, Cebu, Bohol, Siquijor (KR-NCBS), na siyang responsable sa mga “pagpatay, extortions, kidnappings, arsons at iba pang karahasan laban sa mga inosenteng sibilyan at mga opisyal ng pamahalaan at mga alagad ng batas.
Si Posadas ayon sa ulat ay nakilala sa tulong ng mga impormante at mga dating rebelde na sumuko sa 94IB. At ang kanyang bangkay ay inilagak na nga sa Soledad Funeral Homes, ng Binalbagan, Negros Occidental.
Ang propaganda ng CPP-NPA-NDF hinggil sa pagkamatay ng mag-asawang Tiamzon ay preparasyon para ibahin na naman ang kwento sa napatay na NPA lider na si Posadas. Sasabihin na naman nilang hindi sa enkwentro napatay ang kanilang lider kung di sa pagdukot at kamay ng mga tropa ng ating pamahalaan.
Para sa kaalaman ng lahat at lalo na sa mga CPP-NPA-NDF na walang ginawa kung di ang magsinungaling, ang pagkamatay ng lider na ito ng mga komunistang-terorista ay nangangahulugan na ang ating mga kababayan ay talagang isinusuka na ang mga kabuktutan ng mga komunistang-terorista. At talaga nang tumatalima at nagtitiwala na sa pamahalaan, kaya’t nakikiisa na sila at iningunguso ang mga nakikita nilang mga lider ng CPP-NPA-NDF kapag ang mga ito ay napadpad sa kanilang mga lugar.
Ano ang ibig sabihin nito? Isa lang ang aking kasagutan- ang mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF ay wala ng puwang sa lipunang ito. Maging ang dati nilang niloloko na ating mga kababayan sa mga kanayunan at malalayong sitio, barrio, bayan o munisipalidad man ikinamumuhi na sila.
Patunay ito din ito na ang katiwalian at kasinungalingan ng CPP-NPA-NDF ay unti-unti nang nabubuwag.