Advertisers

Advertisers

USIGIN, KASUHAN AT IPAKULONG SI LILIA CRUZ!

0 246

Advertisers

PARA kay Chief Presidential Legal Counsel, Manong Juan Ponce Enrile, may mga kasabwat si Lilia Cruz o si Leah Cruz – na sa siyam na hearing sa Kamara, buo ang paniwala ng mga kongresista, siya ang ulo o reyna ng onion cartel.

Si Cruz ang ugat ng problema ng artificial supply ng sibuyas, si Lilia rin ang kumokorner ng lokal na sibuyas at utak sa onion smuggling.

Bunutin ang ugat ng problema, sabi ni Manong JPE: “xxx Lilia Cruz, must be removed.”



Dapat kanselahin ang lisensiya sa negosyo ni Lilia at ‘wag nang bigyan pa ng permit na magnegosyo, payo ni Enrile at mandaraya o tax cheater ang babaeng ito.

At Customs Commissioner Bienvenido Rubio, Sir, naniniwala si Manong Enrile, undervalued ang iniimport na sibuyas ni Lilia at kung nakalulusot ito, may kasabwat sa loob ng Aduana.

Dating Customs Commissioner si Enrile at payo niya, dapat kumpiskahin ang lahat ng importasyon ng babaeng ito na niloloko ang gobyerno at kaya nakalulusot sa maraming kaso na isinampa sa Sandiganbayan, posibleng may kasabwat sa kabila ng santambak na ebidensiya laban sa kanya.

Blacklisted na nga, nakapag-iimport pa si Cruz, sabi ni House Appropriations Committee senior vice chairperson Marikina Rep. Stella Quimbo, at kung paano ito nagagawa, may super friends si Onion Queen sa Department of Agriculture -Bureau of Plant Industry (DA-BPI).

Kung kumilos si Leah, parang si Janet Napoles nagtayo siya ng Philippine Vieva Group of Companies Inc. na bumibili ng sibuyas sa magsasaka (P12/kilo), saka ibinobodega, itinatago sa market, at pinalalabas na kulang ang supply ng sibuyas.

Kay Lilia pa rin ang trucking, cold storage at trading na sinimulan noong 2012 pa.



Tulad ni Napoles, nagtayo ng mga dummy company, farmers coop si Lilia at inilagay sa pangalan ng mga tao niya, at sa pamamagitan ng Phil Vieva nakontrol ang lahat ng lokal at imported na sibuyas sa bansa.

Sa hearing, lumabas 68.74% ng total importation ng dilaw na sibuyas, hawak ni Cruz at 41% ng red onion, kontrolado rin niya nitong 2022.

Yung mga dummy company niya ang nag-iimport, nakita sa siyam na hearing sa Kamara, sabi ni Rep. Quimbo.

Para mapuwersang ibenta nang mura ng magsasaka ang aning sibuyas, tinatakot na mabubulok lang ang produkto kasi walang cold storage – hawak niya, kaya kahit P12 per kilo pumapayag nang ibenta kaysa mabulok.

Sa manipulasyon, umabot sa mahigit na P700 per kilo ang sibuyas!

“Cruz then controls both local supply and importation,” sabi ni Quimbo.

***

Teka, 2022, si William Dar ang dating DA secretary, aba marami siyang dapat na ipaliwanag kung paano nakontrol ni Cruz ang trading ng sibuyas?

Nakapagtataka na umabot sa P700 per kilo ang sibuyas, sabi ni House Committee on Agriculture and Food Chairperson Mark Enverga.

Sa panahon ni Dar namayagpag ang onion cartel ni Leah Cruz at imposibleng hindi niya ito alam?

Sa susunod na hearing, ipatawag nyo, Rep. Quimbo at Rep Emverga si William Dar at pigain at paiyakin nyo sa sibuyas, kasi kung walang alam siya, ano siya tanga o nagtatanga-tangahan?

Sabi ni Manong Enrile, wag isisi kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang krisis sa mataas na presyo ng sibuyas – na sa huling balita, tumataas na naman ang presyo.

Gumagalaw na naman ba ang sindikato ni Leah Cruz at ang mga taong pinagkatiwalaan ni PBBM ay ano, “nakontrol” na rin ng babaeng ito?

Kaya sa himutok ni Manong JPE, nasabi niya:”What are we, as Cabinet members, doing? We just sit around and get our salary without doing anything?”

Siguro nga tama si Enrile kasi, trabaho ni Trade Secretary Alfredo Pascual na ayusin at kontrolin ang presyo ng bilihin?

Nagbabayad ba ng tamang buwis si Leah, Bureau of Internal Revenue (BIR) chief Commissioner Romeo Lumagui Jr.?

Magawa kaya ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla at ng kanyang prosecutor, NBI na masampahan na ng airtight o superlakas na kaso laban kay Lilia – tulad ng ginagawa niya sa kaso ni Rep. Arnie Teves?

“Let us address the present problem. Cancel the business of the woman and then take over the goods, flood the market, and let her go to court,” sabi ni Manong JPE.

***

Nakakahiya nga, sabi ni Sen. Robin Padilla, tayo e agriculture country, pero nag-iimport tayo ng sibuyas, naghihirap ang mga magsasaka, at namamanipula pa ang presyo at nakapag-iismagel pa si Cruz.

Bunutin ang problema na dala ni Crus, sabi ni Quimbo, aniya: “Revoke all her business permits.”

Magaling na abogado si Manong Enrile at madali lang na patunayan ang onion cartel ni Lilia at ito ay kausapin ang mga magsasaka na nagbenta sa murang presyo ng sibuyas at mapagdurugtong na ang mga koneksiyon.

2013 nasangkot na sa pagtatago, pagmamanipula ng bawang si Lilia Cruz at patunay na isang recidivist ito, sabi ni Manong Enrile.

Tama siya, usigin, kasuhan, ipakulong si Lilia at usigin ang mga kasabwat nito sa DA-BPI, sa Customs sa pagpapalusot ng undervalued na importation!

At bakit daw, kailangan pa na payagan na magkaroon ng executive session para magsabi si Cruz ng lahat ng nalalaman niya at sabihin kung sino-sinong taong gobyerno ang kasabwat sa onion cartel.

“What is being hidden? What is the security problem regarding onions?” buwiset na sabi ni Manong Enrile.

Talagang nakakaiyak ang sibuyas, lalo na at ang mga taong dapat na magtrabaho para palakasin ang industriya ng lokal na sibuyas ay kasabwat ng onion cartel.

Nakakaiyak kung ang mga Cabinet secretary na dapat ay kumilos ay nakatunganga lang at tumatanggap ng sahod at mga pribilehiyo, alawanses at iba pang ganansiyang kakabit ng kanilang trabaho.

“What are we, as Cabinet member, are doing?” tanong ni Enrile.

Nais niya, usigin, kasuhan at ipakulong si Lilia Cruz.

At wag lang tumunganga at ngumanga ang mga Cabinet ni PBBM!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].