Advertisers
ISANG sangay ng Mercury Drug store ang nilamon ng apoy matapos na magkaroon ng hinihinalang problema sa linya ng kuryente, ilang sandali pagkatapos ng brown-out sa Olivarez Plaza, lungsod ng Parañaque.
Batay sa salaysay ni Raymond Tojong, guwardya na nakatalaga sa nasabing drug store, bandang alas-8 ng umaga ng biglang magkaroon ng brown-out sa kanilang lugar kaya’t agad niyang pinuntahan ang back-up generator upang magkaroon ng kuryente.
Aniya, hindi pa nagtatagal ang supply ng kuryente sa nabanggit na drug store ay bigla silang nakaamoy ng usok malapit sa generator at makalipas ang sandali ay nagliyab na ang dinadaluyan ng mga linya ng kuryente patungo sa loob ng botika.
Kahit na mabilis na nilalamon ng apoy ang kisame ay nailigtas pa ni Tojong ang kanyang mga dokumento bilang security guard kabilang ang lisensya niya at permit ng kanyang baril.
Nabatid sa ulat na hanggang alas-1 ng hapon ay patuloy pa ring gumagapang ang usok sa kisame ng gusali dahilan upang sirain ng mga bumbero ang ibang opisina na kinabibilangan ng computer store, security agency, Bingo botique at iba pang restaurant na malapit doon.
Muntik nang madamay ang isang sangay ng Land Transportation Office (LTO) na katabi lamang nang nabanggit na lugar.
Habang sinusulat ang balita ay wala pang iniulat na nasugatan o magkano ang halaga ng mga napinsala sa naturang insidente. (JOJO SADIWA)