Advertisers
MULI na namang nakaladkad sa kahihiyan ang panibagong ‘power outage’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 na labis na ikinadismaya ng mga pasahero dahil sa sobrang init habang nakapila sa ibat-ibang counter nang nawalan ng kuryente pasado alas-12 ng tanghali noong Biyernes ( June 9 ).
Sa impormasyon na kinumpirma ng tagapagsalita ng Department of Transportation (DOTr) na si Jonathan Gesmundo sa mga mamamahayag mula sa isang mensahe, na nagsasaad na nagsimula ang brownout alas-12:15 ng hapon kung saan ay nagdulot ito ng mahabang pila ng mga pasahero sa ibat-ibang airline counters, partikular sa immigration area.
Naging kapunapuna din ang mahabang pila at reklamo ng mga pasahero na may domestic flights dahil sa sobrang init at siksikan ng mga pasahero.
Ayon sa ulat, gumamit ng back-up generator bandang alas-12:30 ng hapon ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) subalit limitado umano ito sa ilang pasilidad ng naturang terminal.
Nabatid na ala-1:29 ng hapon nang maibalik ang supply ng kuryente at normal na operasyon ng airport subalit habang sinusulat ang balita ay wala pang nailalabas na impormasyon ang MIAA ,gayundin ang ilang airlines kung may mga flights na naapektuhan ng panibagong ‘power outage’ sa terminal 3.
Ito na ang ika-apat na pagkakataong nawalan ng kuryente sa NAIA mula noong simula ng administrasyong Marcos.
Ang unang pagkakataon ay noong naantala ng blackout power ang operasyon ng Terminal 3 noong Setyembre 2022. Ito ay nasundan pa noong January 1,2023 kung saan umano naging kasaysayan sa buong mundo ang ‘power failure’ ng NAIA 3 dahil sa pagka-paralisado ng buong air navigation system ng bansa.
Noong May 1,2023 ay muling nakaranas ng power outage ang Terminal 3 na nagresulta sa pagkansela ng mahigit 40 flights kung saan naapektuhan ang 9,393 pasahero. (JOJO SADIWA)