Advertisers
MARKADO si Presiding Judge Romeo Buenaventura sa kanyang desisyon na tumanggi sa bail petition ni Leila de Lima. Dahil tumanggi siya na magbigay ng pagkakataon ng makapaglagak ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng dating senadora, wala kaming nakikitang kinabukasan sa kayang karera sa Hudikatura. Kung kami si Buenaventura, maiging magretiro na siya at iwanan ang Muntinlupa RT Branch 256.
Hindi makakaiwas si Buenaventura sa hinala na may kapalit ang kanyang desisyon. Hindi natin nakita kung may inabot na suhol ang sinuman kampo sa maiskandalong desisyon. Mahirap itong patunayan kahit saan husgado sa bansa. Ngunit hindi niya mapipigilan ang sinuman na maghinala na ibinenta niya ang desisyon. Sa natitirang panahon na ilalagi niya sa mundo, pasasanin ito ni Buenaventura.
Gayunpaman, may nakikitang liwanag ang kampo ni de Lima. Kataka-takang nakialam ang Korte Suprema sa desisyon na tumanggi sa bail petition ng bilanggo ng budhi. Maaaring magharap ang kanyang manananggol ng writ of habeas corpus sa Korte Supreme. Diretso na sa Kataaasang Human ng bansa. Hindi na kailangan dumaan kay Buenaventura na halatang may pagkiling sa nakatagong kalaban ni de Lima na walang iba kundi si Gongdi. Hindi pa tapos ang laban at may balik si Leila de Lima.
***
MALINAW ang Pangulong Marcos sa patakarang panlabas (foreign policy) ng Filipinas sa ilalim ng kanyang administrasyon. Sa kanyang talumpati noong Lunes, Araw ng Kalayaan, nilinaw ng Pangulo na hindi na muling makapangibabaw ang sinumang puwersang panlabas na maghari sa bansa. Hiningi niya ang mga mamamayan na magkaisa upang labanan ang anumang puwersa panlabas na nais mangibabaw sa kapalaran ng bansa.
Hindi tuwirang tinukoy ng Pangulo ang Tsina, ngunit sinabi ng ilang tagamasid na malinaw na pinatatamaan ang Beijing. Makikita sa talumpati ng Pangulo ang pagbaligtad at pagbasura sa foreign policy ni Rodrigo Duterte na nagsipsip sa Tsina. Walang napala ang bansa sa itinakwil na patakarang panlabas ni Gongdi.
Mistulang ibinenta ni Gongdi ang bansa sa Tsina. Kinamkam nito ang ilang bahagi ng West Philippine Sea lalo na ang ilang isla na tinayuan ng base militar. Kinuha ng Tsina ang yaman dagat sa exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas habang nakamasid lang si Gongdi na ngumingisi at walang ginawa kahit katiting.
Mayroon mga implikasyon sa bansa ang sinabi ng Pangulo. Unang-una, mananatili ng alyansa militar sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos. Patatagin ang mga base militar na gagamitin ng Estados Unidos sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation (EDCA). Hindi makakapanaig ang Tsina na nais pahinahin ang alyansa ng Filipinas at Estados Unidos. Magmumukha lang itong tanga dahil hindi na bahagi ang Tsina sa pagpapalakas ng bansa.
Patunay ang talumpati ng Pangulo na hindi kakampi ang tingin ng Filipinas sa Tsina kundi isang kaaway. Kasama bilang pangalawang implikasyon na alisin ang impluwensiyang Beijing sa bansa. Bagaman itinalaga ng Pangulo noong Pebrero bilang sugo ng Filipinas sa Tsina si Jaime Flor Cruz kapalit ng namayapang Chito Sto. Romana, walang nababalitang anumang galaw o inisyatiba ang Filipinas upang lumapit sa Tsina.
Pangatlong implikasyon ang napipintong pagpapahina sa mga pulitiko, at kasama sa kanila ang mga itinuturing na kaalyado, na kampi sa Tsina. Hindi kami magtaka kung tuluyang mawala sa eksena at radar ang mga tulad ni Duterte, Bong Go, bato dela Rosa, at kahit si Francis Tolentino na kahit na nagpaparinig ng pagkatig sa Estados Unidos ay itinuturing na kakampi ng Tsina.
Minsan pinagtawanan si Tolentino nang tumayo siya sa bulwagan ng Senado noong 2019 upang hingin ang pagkatig ng mga senador sa verbal agreement ni Gongdi at Xi tungkol sa usapin ng West Philippine Sea. Walang naipakita si Tolentino kahit anong kasulatan tungkol sa anumang kasunduan ni Gongdi at Xi. Nilibak siya sa ipinakitang kagaguhan at kawalan ng paggalang sa Senado bilang institusyon sa paggawa ng batas at polisiya ng bansa.
***
MAGANDA maintindihan ng bansa ang pagbisita noong ika-9 ng Hunyo ni Vice Admiral Alberto Carlos ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal upang dalhan ng supply ang mga nakahimpil na sundalo sa kalawanging BRP Sierra Madre na isinadsad ng mga sundalo noong 1999 upang ipakita na bahagi ng teritoryo ng Filipinas ang Ayungin Shoal. Si Carlos ang pinuno ng Western Command at bahagi ng kanyang tungkulin na matyagan ang galaw ng Tsina sa Kalayaan Island Group sa WPS.
Ipinakita ng kanyang pagbisita na nanatiling kontrolado ng Filipinas ang Ayungin Shoal at ipinakikita sa Tsina na hindi nagpapatalo ang bansa sa panunuwag ng Tsina. Itinuturing si Carlos na pangalawang pinakamataas na opisyal ng Philippine Navy na bumisita sa Ayungin Shoal. Ipinapakita rin na binibigyan ng halaga ng pamunuan ng Philippine Navy ang pagbabantay sa anumang galaw ng Tsina sa WPS.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “May sarili po siyang intindi sa mga bagay-bagay. Di ko alam sino nag-aadvice sa kanya to take such a stance- panreredtag, etc. pero pro-China naman. Para sa akin, mas nakakainis siya kaysa kay BBM. Tigas ng mukha sa mga pronouncements.” – Ma’am Syj, netizen, kritiko
“Anybody can run after mainstream media outfits and their editors and reporters, if ever they pose fake news or unverified stories. Anybody can always demand equal time and space from them too. They are very much unlike those obscure media outfits, which don’t practise public accountability and ethics.” – PL, netizen
“I shall never waver in my quest for justice and vindication. I refuse to be broken. Surrender is not an option.” – Leila de Lima, bilanggo ng budhi
***
Email:bootsfra@yahoo.com