Advertisers
INIHAYAG ng Manila International Airport Authority (MIAA) na mayroon na ngayong 44 immigration counters sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mula sa orihinal na 26 counters nito.
Ayon kay MIAA Public Affairs Office head Connie Bungag, simula noong 2023 at sa paglilipat ng iba pang international flights sa Terminal 3 ay mayroon lamang 26 na immigration counter sa T3 hanggang dagdagan ito ng10 counters kaya naging 36 at inaasahang ngayong linggo ay magagawa itong itaas hanggang 44 counters.
“MIAA will also construct immigration annex that will create another 24 counters at T3 by the end of the year para maging maaliwalas, maluwag at wala pong hassle sa mga pasaherong pumipila sa immigration tulad din ng request ni Immigration commissioner Norman Tansingco who called for the expansion of immigration area para makapag-accommodate ng mas maraming pasahero” ani Bungag.
Sinabi ng tagapagsalita ng imigrasyon na si Dana Sandoval na simula ngayong Miyerkules (Hulyo 5) mayroong 42 Immigration officers na nakatalaga sa mga counter na nagsisilbi sa departing passengers sa NAIA Terminal 3.
Base sa talaan ng NAIA Terminal 3 operations, ang araw-araw na pag-alis ng halos 17,000 pasahero at araw-araw na pagdating ng humigit-kumulang 16,000 pasahero ay tumaas ng higit sa 1,100 departing passenger at 1,500 arriving passengers at dahil sa paglipat ng China Southern, Gulf Ar, Jeju Air, Thai Airways, Ethiopian Airlines at Scoot ay nagdulot ito ng 10 percent increase sa average number ng mga pasaherong umaalis araw-araw sa NAIA Terminal 3.
Noong Abril ay naitala ng bansa ang pinakamalaking bilang ng international at domestic air travellers mula noong 2020 pandemic lockdown, kung saan ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lamang ang nag-ulat ng 1,677,779 international passengers at 9,089 international flights.
Noong 2023, nakita ng NAIA ang pare-parehong pagtaas ng dami ng pasahero na umabot sa pre-pandemic peak na 47.9 milyong pasahero noong 2019. Lumampas na ito sa idineklarang kapasidad na 31.0 milyong pasahero kada taon (MPPA).
Ayon sa pinakahuling datos na ibinigay ng BI, ang NAIA Terminal 1 ay nakaranas ng ‘remarkable increase’ sa daily average na mga international travelers mula noong Hunyo 16, 2023. Ang terminal ay nagtala ng 28,956 na pasahero kada araw, na minarkahan ng makabuluhang 48.1% na pagtaas mula sa dating average na 19,553 passengers bago ilipat.
Samantala, nag-set up ang MIAA noong Martes ng pure fiber internet connectivity sa NAIA Terminal 4 upang masiyahan ang mga pasahero sa 120 minutong high speed internet access hanggang sa 1 Gbps sa pamamagitan ng Converge Free Public Wi-Fi Projecta at planong palawakin pa ang saklaw nito sa apat na terminal sa lalong madaling panahon. (JOJO SADIWA)