Advertisers
NAGLABAS ang Sandiganbayan Third Division ng ‘commitment order’ na nagtatalaga sa New Quezon City Jail bilang detention facility ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez habang nililitis ang kanyang kasong plunder.
Gayunman, hindi pa ipinag-uutos ng anti-graft court ang aktuwal na paglilipat kay Romualdez mula sa Cardinal Santos Medical Center, kungsaan ginagamot siya dahil sa iniulat na mga kondisyon sa puso at utak.
Inilabas ang commitment order bago dinggin ng korte ang ‘motion’ ni Romualdez na payagan siyang manatili sa pribadong ospital.
Tinutulan ng mga prosecutor mula sa Office of the Ombudsman ang kanyang kahilingan. Iginiit nilang maaaring gamutin ng mga doktor ng pamahalaan ang mga karamdaman ng dating Speaker habang nakakulong sa regular na jail facility.
Hiniling din ng proseku-syon na payagan ang mga independent doctor na suriin ang kalagayan ni Romualdez.
Hindi nakadalo ng personal ang mambabatas sa pagdinig nitong Huwebes. Ayon sa Philippine National Police, nagsumite ang kanyang kampo ng ‘medical certification’ na nagsasabing hindi pa siya maaaring bumiyahe mula sa ospital.
Nauna ring ipinatawag ng Sandiganbayan ang mga doktor ni Romualdez upang tumestigo tungkol sa kanyang kalagayan.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng P7.4-bilyong ‘kickback scheme’ sa mga flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.
Itinakda ng korte sa Setyembre 14 ang kanyang arraignment at pretrial.
Mananatiling nakabinbin ang lugar ng kanyang aktuwal na pagkakadetine habang wala pang pasya sa ‘motion for continued hospital confinement’.(Boy Celario)