Advertisers
May kumakalat na tsismis sa social media: si Manila Francisci “Isko” Moreno Domagoso raw ang dark horse sa presidential elections sa 2028, kasi raw, sa madalas na pagbisita ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laging kasama nito ang 24/7 na alkalde ng Maynila.
Wala raw kasing matunog na pangalang pwedeng suportahan ni PBBM, at ang mga nagpipresentang kandidato sa panguluhan, walang karisma, walang hatak sa publiko, at walang maipagmamalaking akomplisment sa larangan ng lantad na governance, transparency at accountability.
At walang maikakabit na paratang na katiwalian laban kay Yorme Isko, at ang totoo, siya ay matapang sa paglalantad ng korapsyon sa Maynila – kahit pa kakampi o kaibigan sa politika ang makikitaan niya ng gawaing lihis sa interes ng mamamayan.
Tatakbo nga o nakumbinsi na si Yorme na ilublob uli ang sarili sa politikang nasyonal sa 2028?
Sa huling media briefings, malinaw ang sagot ni Yorme Isko: Hindi siya tatakbo sa anomang posisyong nasyonal.”
Sabi niya, tatapusin niya ang kanyang termino, ang una, ikalawa at ikatlong termino – na aabot sa siyam na taon.
“Hindi ko po iiwan ang Maynila!” mariin niyang sabi.
Kung iiwan niya ang lungsod, ito ay nasa mabuti nang kondisyon, may matatag nang financial condition, at may maipagmamalaking dangal ang Maynila – na ito ay muling dadakila at magniningning.
Malinaw, matapang ang paninindigan ni Mayor Domagoso sa pangakong ibabalik ang ganda, ang matiwasay at panatag na buhay at kabuhayan ng mamamayang Manilenyo.
“I will seek reelection as Manila mayor in 2028.”
Bago mangyaring tumakbo uli siya sa posisyong nasyonal, kailangan muna niyang matupad ang “Minimum Basic Needs” agenda,” o MBN – na pangako niya na gagawin sa Maynila.
Ano-ano itong MBN ni Yorme Isko?
Ang adyenda na ito ay nakapokus sa Edukasyon, Kalusugan, Pabahay, Trabaho at iba pang serbisyong sosyal at panlipunan.
Gusto niya na i-repeat, gawin uli ang ginawa noon, na kahit saklot ng takot ang madla sa nakamamatay na pandemyang Covid 19, sige lang si Yorme Isko sa trabaho, pokus lang siya sa kanyang mga programa, sa bilis-kilos na aksiyon para sa Manilenyo.
Malay natin, ang Tondominium 1 and 2 at Binondominium ay masundan pa ng mas maraming katulad na proyekto sa susunod na anim na taon.
Pangako ng makisig na alkalde ng Maynila, pagbubutihin ang serbisyo sa mga ospital at pararamihin ang mga gamit at laboratory, medical equipment para sa mabilis na serbisyo sa mga maysakit.
Bunga ng mahusay na performance ni Yorme Isko, matatandaan, kumalat sa social media at pabiro o request na gustong maging totoo: nais hiramin nila, kahit temporary lamang si Mayor Moreno na magpatakbo sa kanilang LGU sa panahon ng pandemia.
Ganyan ang paghanga ng pamilyang Pinoy kay Mayor Domagoso.
May patunay naman kasi ang naipakitang serbisyo ni Yorme: Maipagmamalaking pabahay sa mga pamilyang “walang-wala” na nakatira ngayon sa mala-condominium na tirahan; Free Medicines, at mabilis na responde, agad-agad na saklolo na nagliligtas ng buhay at ari-arian ng mamamayang nasa krisis ang buhay at kabuhayan.
At gawa nito, naibalik ni Yorme ang kumpiyansa ng mga negosyante, at ito ang maipagmamalaki, ang bilyon-bilyong utang na salapi na sinimot ng pinalitang administrasyon, unti-unti nang nababayaran.
At lumalakas ang koleksiyon at maibabalik na ang financial independence ng Maynila – na iniwang wasak ang alkansiya ng bayan na kung paano ginastos ng nakaraang administrasyon, mandin ay nawala sa Mahika ng isang salamangkero.
Yes, darating ang panahon na iiwan ni Yorme ang Maynila, pero kung matatag na ito, at may isang tao na mapagkakatiwalaan niya na hahawak nang timon ng pamamahala upang maipagpatuloy ang magagandang adyenda ng pag-unlad ng lungsod.
May nakikita ako: siya si Vice Mayor Chi Atienza!
Wala nang iba pa, lalo na at taglay niya ang dugo at karisma ng kanyang ama – si Mayor Lito Atienza –, isa sa nagtatag ng matibay na mohon ng pag-unlad ng serbisyo publiko sa mamamayang Manilenyo.
Kaya kami ay panatag, sa susunod pang mga taon, makikita natin, ang adyenda ng pag-unlad ng Maynila sa kamay ni Yorme Isko at sa kabisig na tulong ni VM Atienza.
May matatanaw na Bagong Maynila ang mamamayang Manilenyo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.