Advertisers
NATAGPUANG nakasinilid sa karton ang bangkay ng isang babae sa gilid ng kalsada sa Cebu city.
Kinilala ang biktima na si Reah Mae Tocmo, 19 anyos, tubong Panabo City, Davao del Norte at pansamantalang nakatira sa Isla de Palma, Barangay Looc, Mandaue City.
Ayon kay Major Angelito Valleser, hepe ng Punta Princesa Police Station, 1:00 ng hapon ng Lunes natagpuan ang bangkay ng biktima sa gilid ng kalsada sa South Verdana Subd., Katipunan St., Barangay Tisa, ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakapiring ang mga mata, nakatali ang mga kamay at paa at isiniksik sa loob ng karton ang biktima na natagpuang ng isang street sweeper.
Nabatid na dumating sa Cebu ang biktima Hunyo 11, 2023 para magtrabaho. Huli itong nakitang buhay Hulyo 16, 4:00 ng madaling araw.
Base sa pahayag ng ama ng biktima na si Romeo, lingid sa kanyang kaalaman na nasa Cebu si Reah Mae at nagtatrabaho sa isang restoran.
Sinabi pa ng ama na sa kanyang pagkakaalam nasa Panabo City ang anak at nag-aaral sa kolehiyo.
Naniniwala naman ang pamunuan ng Police Regional Office Central Visayas na pinahirapan muna ang biktima saka pinatay.
Mayroon nang persons on interest ang pulisya pero hindi muna ito ilalahad para sa gagawin imbestigasyon.