Advertisers

Advertisers

Bea at Dominic iwasang paapekto sa intriga

0 160

Advertisers

Ni MELCHOR BAUTISTA

HINDI pa talaga showbiz ang ugali ni Dominic Roque dahil sa kanyang kasimplehan na una niyang katangian na napansin ni Bea Alonzo kaya nagtatagal ang kanilang relasyon.
Magaan ang kanilang relasyon dahil walang problema sa pagitan ng kanilang mga magulang na ang bawat partido ay aprubado sa kanilang pagmamahalan.
Si Bea sa kanilang dalawa ang mas matapang sa mga nang-iintriga tungkol sa kanilang relasyon. Si Dominic ay laging ikinalulungkot ang paulit-ulit na mga panlalait sa kanya, dahil sa relasyon nila ay ang magaling na aktres ang mas mayaman.
“Oo, ayaw ni Dominic ng gano’n,” wika ng talent manager na si Ramon Yuson. “Simpleng tao lang kasi siya. Parang si Beth Tamayo na Tita niya. Eh, ikaw ba naman, karelasyon mo si Bea at wala kayong problema. Tapos maraming nakikialam at sumasawsaw sa intriga. Natural na mas mayaman si Bea Alonzo. Big star ‘yan. Box-Office Queen at napakasipag na artista.”
“Kaya tinamad na lang si Dominic na mag-artista, dahil sa ganyan. Eh, si Dom naman, mayroon din siyang mga pinagkakaabalahan na negosyo, sabi sa akin ng mommy niya. Pamangkin ko kasi ang Daddy niya. Kaya panindigan lang nina Bea at Dominic ang pagmamahalan nila. Huwag magpaapekto sa mga intriga,” wika pa ni Mr. Yuson.
***
MARAMI din ang nagparamdam ng intensiyon na manligaw kay Harlene Bautista, ito ay bago pa man dumating sa kanya ang bagong pakikipagrelasyon na kanyang iniingatan ngayon. Happy kasi ngayon ang lovelife ng bunsong kapatid nina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at Councilor Hero Bautista.
Si Harlene pa rin ang personal na umaasikaso ng mga kailangang suporta ng kanyang mga kapatid sa mga importanteng pagkakataon. Dahil ulila na sila sa mga magulang. “‘Yong kung tipong lalake sila, na may usaping kailangan may babae, doon dapat naroon ako palaki para kina Kuya,” wika ni Harlene.
Bilang movie producer, si Harlene ay tutok ang panahon at nakikiisa para sa lalo pang pagbangon ng movie industry. Aktibo ang kanilang Heaven’s Best Productions sa paggawa ng magagandang pelikula.
“Mayroon akong isang dream project na hindi ko pa igini-give up, dahil malapit iyon sa puso ko. ‘Yung tipong karugtong ng ‘Broken Marriage’ nina Ate Vilma Santos at Christopher de Leon. Kasama ako doon. Ang haba ng role ko, kasi anak nila ako doon. Magandang movie,” anipa ni Harlene.
***
MARUNONG manindigan si Allen Dizon para sa ikagaganda ng kanyang movie career. Nagtatagal na siya sa showbiz kumpara sa marami niyang nakasabay noon sa pagpasok sa showbiz. Dahil intensiyon niya talagang magtagal sa showbiz.
“Hindi kasi ako bagay sa intriga, mga kontrobersiya at iskandalo sa showbiz. Parang hindi naman sa takot ako. Huwag na lang din sana. Mag-artista na lang,” katuwiran ng guwapo at magaling na aktor.
Nagpapatuloy si Allen sa gusto niyang marating. Iniwan niya ang kanyang sexy image noon. Ilang ulit siyang naparangalan bilang Best Actor. Busy rin siya lagi sa paglabas sa mga teleserye. Kasama siya sa “Abot-kamay Na Pangarap” sa GMA-7.
Sa gaganaping AIFFA Film Festival sa Sarawak, Malaysia sa August 2 – 5 ay kasali ang pelikulang “Walker” ni Direk Joel Lamangan na pinagbibidahan nina Allen, Rita Avila, Sunshine Dizon ay Edgar Allan Guzman, mula sa New Sunrise Films.