Advertisers

Advertisers

Cyberscam hub sa Pasay, sinalakay

0 90

Advertisers

Isang hinihinalang cyberscam hub ang pinasok ng mga operatiba ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa loob ng isang establisimiyento sa Pasay City nitong Martes ng gabi.

Matatagpuan ang limang palapag na gusali na sinalakay ng mga awtoridad sa Zamora Street sa Pasay at inabutan ang nasa 650 indibidwal.

Nasa 400 sa kanila mga Pilipino habang ang nalalabi mga dayuhan na mga Chinese at Indian nationals.



Bitbit ng search warrant at nasamsam sa lugar ang 400 units ng mga telepono, at iba pang mga devices na gamit umano sa panggagantso. Natagpuan din ang mga dokumento na may script para sa love scam at devices sa text blasts.

Ayon kay Department of Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, nagpapatakbo ng love scams at cryptocurrency scams ang hub.



“Kadalasan naman sa ganitong operation, meron tayong asset sa loob at ‘yung asset sa loob ay ginawa nating lead for the intel that we can gather,” ayon kay Ty.

Nadiskubre rin ang mga pag-uusap ng mga scammer sa screen ng mga computer at mga biktimang dayuhan, nang abutan ng mga awtoridad sa raid.



Kinikilala pa nila sa ngayon ang mga lider ng sindikato pero hinihinala na mga Chinese national ang nasa likod ng operasyon. Inaalam rin ngayon kung paano nakakapag-operate ang mga scammer kahit umiiral na ang SIM registration law.

Sinabi ni Ty na nakarehistro naman ang kumpanya at may lisensya bilang Philippine offshore gaming operator (POGO), pero front lang ito sa kanilang iligal na gawain. (Jocelyn Domenden)