Advertisers
NASAWI ang dating driver-aide at ngayo’y staff ng isang congressman nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Balayan, Batangas, Biyernes ng hapon.
Kinilala ng Balayan Police ang biktima na si Edgardo Sanbuenaventura Jr., 51 anyos, ng Barangay District 10, Balayan. Nagtatrabaho ang biktima sa tanggapan ni 1st District Batangas Rep. Eric Buhain sa kanilang lokal na distrito.
Kaagad nasawi si Sanbuenaventura sa pamamaril dahil sa 11 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Balayan Police chief Major Domingo Ballesteros Jr., nagmamaneho ng motorsiklo si Sanbuenaventuera na pauwi na nang bigla itong bumalik para bumili ng pizza para sa kanyang pamilya sa isang pizza store na malapit sa talipapa sa Barangay Ermita-Calzada 4:55 ng hapon.
Nang makababa ang biktima sa kanyang motorsiklo at naglalakad papunta sa pizza stall, binuntutan ito ng riding in tandem at pinagbabaril nang malapitan.
Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 11 basyo ng bala ng kalibre .45 pistol at pito pang slugs.
“We’re are eyeing personal grudge as the motive for the killing. Mukhang meron matinding galit ang mga suspek, tinadtad ng bala ang biktima,” ani Ballesteros.
Sinabi ng opisyal na nagsasagawa na sila ng re-tracking investigation kabilang ang pagkalap ng close-circuit television (CCTV) na nakakabit malapit sa crime scene at sa labas ng area para sa video footages na maaaring nakahagip sa mga salarin.