Advertisers

Advertisers

PBBM: Impounding system vs baha sa Pampanga

0 122

Advertisers

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. nitong Lunes ang pagsasagawa ng malawakang pag-aaral sa panukalang pagtatayo ng impounding system sa Candaba, Pampanga bilang pangmatagalang solusyon sa problema ng baha sa lalawigan.

Ang isyu ng pagtatayo ng malaking collection pool sa Candaba ay lumabas sa pakikipagpulong ng Pangulo sa mga lokal na opisyal ng Pampanga.

Tutol ang ilang lokal na opisyal sa planong pagtatayo, sa pangamba sa epekto nito sa kabuhayan ng mga tao, partikular sa mga magsasaka ng palay. Ang Candaba ay isang pangunahing producer ng bigas sa rehiyon.



“Do not worry when it comes to the LGUs. Kayo naman ay hindi namin basta…sasagasaan nalang ‘yung project. Hindi namin gagawin ‘yun,” sabi ni Pangulo.

“Unang-una, kayo mag-a-approve nito. Hindi naman ma-approve ito kung ayaw ninyo. Kayo mag-approve nito na kukuha ng 10 percent (land) para paglagyan ng impounding.”



Tiniyak ng Pangulo na ang mga malilikas sa panukalang proyekto ay ililipat sa ibang lugar na parehong produktibo sa kanilang kasalukuyang hawak.

Ang pagtatayo ng isang malaking collection pool ay isa lamang sa mga solusyong iniharap sa pulong.



Binanggit din ng Pangulo ang pagsasagawa ng dredging operations bilang panandaliang solusyon at pagtataas ng ilang istruktura sa San Simon, Pampanga para maibsan ang matinding trapiko sa lugar kaugnay ng pagbaha.

“We’ll raise the NLEX para hindi na mangyari itong nangyari ngayon. And then pag-aralan natin ‘yung mga alternative routes kagaya ng… ‘yung mga truck kaya naman ‘yung baha, baka puwede nating padaanin. Iyong mga kotse, doon sa taas. So we’ll study that,” sinabi ni Marcos sa pulong.

“In the long-term…we really have to study what we are going to do in terms of [impounding]. Kailangan natin pag-aralan ng mabuti dahil kung wala tayong gagawin, paulit-ulit… kahit mag-dredge tayo. So, that, I think, is the situation as we find it in the very short term, in the medium term, in the long term,” anang Pangulo.

Ang proyekto ay iminungkahi ni dating public works and highway secretary Rogelio Singson noong 2013 bilang solusyon sa pagbaha sa Central Luzon. Kasama si Singson sa briefing.

Sinabi ng mga lokal na opisyal na ang proyekto ay maaaring makaapekto sa higit sa 9,000 residente sa Candaba. Anila, ginawa ng DPWH ang panukala noong panahong iyon nang hindi isinasama ang mga hakbang na gagawin para sa mga pamilyang maaapektuhan ng proyekto.

Sa panukala ni Singson, sisiguraduhin o bibilhin ng gobyerno ang humigit-kumulang 200 ektarya o sampung porsyento ng 2,000 ektarya na swamp land sa Candaba para magtayo ng water impounding area upang maiwasan ang pagbaha sa mababang lugar. (Vanz Fernandez)