Advertisers

Advertisers

Kontra mapagsamantala

0 454

Advertisers

KONTRA ang Executive Order 39 sa mga rice hoarders at mapagsamantalang mangangalakal. Matagal nang problema sa ating bansa ang pagsasamantala ng ilang walang pusong negosyante sa supply at presyo ng bigas at kailangan ng totoong solusyon na haharap sa kanila. Sila na parang mga buwitre na sa unang kilatis pa lang ng bahagyang pagbaba ng produksyon ng palay ay tila mayroon na agad silang paraan upang pagkakitaan ang sitwasyon ng mas napakalaki.

Subalit ayon sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na magiging steady na ang supply ng bigas dahil sa inaasahang surplus pa ng lokal na rice production at sa pinayagang rice importation. Sa totoo, ang total supply ng bigas sa bansa ay “more than enough” para sa kasalukuyang pangangailangan sa konsumo na 7.76 MMT, at ito umano ay magkakaroon pa ng ending stock na 2.39 MMT na sasapat hanggang sa susunod pang 64 na araw. Tatanggalin ng EO 39 ang ginagawa ng mga kartel sa malawakang pagtatago ng bigas upang mapataas ang presyo ng kalakal.

Umani ng papuri at suporta ang EO 39 na nagtakda ng price ceilings sa bigas. Ang naturang EO kasi ay nakatuon mismo sa ugat ng problema – ang mga rice cartels at hoarders. Tinatanaw ang EO bilang unang konkretong hakbang sa pagdurog sa mga kartel at hoarders ng bigas na kumokontrol sa malayang daloy ng produkto sa merkado upang magmukhang may krisis sa supply ng bigas at tumataas nang labis ang presyo nito. Itinatago nila ang mga bigas upang kalaunan ay maibenta nila ito sa napakataas na presyo na sila na mismo ang nagtatakda.



Noong ikalawang SONA, idineklara na tutugisin ng administrasyon ang mga rice cartels at hoarders. Noon pa ay inaral ng husto ang decisive measure sa naturang usapin lalo pa’t marami nang ipinatupad na hakbang noong nakaraang mga taon subalit nagawa ng mga rice cartels and hoarders na makaligtas at paulit-ulit pa ring pamamayagpag sa pagsasamantala. Sa pag-apruba sa EO 39, ayaw ng administrasyon ng kalokohan. Ang EO 39 ang pinakamalakas na sandata ng gobyerno laban sa mga rice cartel at hoarder lalo pa’t pinagsama-sama nito ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa supply at presyo ng bigas. Idineklara ng EO 39 ang giyera na sa pagtaya ng maraming sektor ay maipapanalo ng administrasyon para sa kapakanan ng sambayanan lalo na ng mga ordinaryong Pilipino.

***
MAY kabuuang P27 bilyon ang utang sa gobyerno ng anim sa mga kompanyang nagsasagawa ng reclamation project sa Manila Bay. Kasama ang dalawa sa mga pinakamalaking kompanya sa buong bansa. Batay ito sa mga datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na kinuha sa Commission on Audit (CoA) at Bureau of Internal Revenue (BIR). Kinakatawan ng mga datos ang mga back taxes at iba’t-ibang fees.



Kasama sa mga kompanyang may malaking utang ang kompanya ng isang kilalang pamilya ng mga pulitiko na ang reclamation project ay malapit sa U.S. Embassy sa Maynila. Inireklamo ang kompanyang ito dahil ang kinuha nilang dredging company ay isang kompanya ng mga Intsik na blacklisted sa international construction company. Ito rin ang kompanyang gumawa ng base militar ng mga Intsik sa mga islang kinamkam ng Tsina sa West Philippine Sea.

Kinukuha ng kompanyang Intsik ang mga black sand sa Zambales bilang sangkap sa paggawa ng mga artipisyal na isla bilang reclamation project sa Manila Bay. Ngunit pinaghihinalaan ng U.S. Embassy na may ginagawang kababalaghan ang kompanyang Intsik. Ito ang pag-eespiya sa pasuguan ng mga Amerikano sa baybay dagat ng Maynila.



Sa ngayon, suspendido ang operasyon ng kompanyang ito. Aabot sa P4.3 bilyon ang back taxes at fees na utang nito sa gobyerno. Ang pamilya ng kilalang pulitiko ang may-ari ng isang mining firm na gumahasa sa matulaing isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon. Isinusuka ng taumbayan ang kompanya ito dahil ito ang sumisira sa kalikasan ng Sibuyan.

Kinukuha ng kompanyang ito ang nickel deposit sa Sibuyan kahit sirain ang bundok at mga puno sa paligid. Kilala ang pamilya nila bilang ganid sa negosyo at gagawin ang lahat upang kumita. Kahit gahasain ang kaligiran, kahit sirain ang kalikasan, at kahit kumampi sa Tsina. Wala silang pakialam sa kapakanan ng sambayanan.

***

UMABOT sa 433 ang kasapi sa security ni Sara Duterte. Nasa ulat ito ng Commission on Audit. Katumbas nito ang isang oversized batalion. Masyado itong malaki para sa isang opisyal na ang tanging trabaho ay maghintay na matigok ang pangulo upang siya ang humalili at magsilbing presidente sa nalalabing termino ng huli.

Para saan ang sangkaterbang sekyu na nakatalaga kay Sara? Ano ang kanilang pinatutunayan? Alalahanin na hindi pera ni Sara ang ipinapasahod sa mahigit sa isang batalyong sekyu. Pera ng taumbayan, or buwis, ang ginagastos sa kanila. Sa maikli, pahirap sa sambayanan si Sara. Kaya na siyang pangalagaan ng isang platoon at hindi isang oversized battalion.

***

MISTULANG kabute sa tag-ulan ang mga nagsulputang opinion poll at research firm na pawang nagbigay ng mataas na rating kay Sara. Ano ba talaga ang pakay ng mga opinion poll survey firm sa bansa? Hindi kami naniniwala na talagang mayroon opinion poll na nagbibigay saysay sa mga inuulat na positibong rating ni Sara. Hindi dapat paniwalaan ang mga opinion poll at research firm at hindi sila kailangan sa sambayanan. Wala silang kredbilidad kahit katiting at hindi na namin babanggitin ang kanilang pangalan dahil sisikat lang.

Hindi papalapit ang eleksyon at nakakapagtaka may mga opinion survey na isinagawa umano ng mga kompanyang maituturing na mga fly-by night. Ang mayroon ay halalan sa mga barangay sa Oktubre. Isang linggong bakasyon sa darating na halalan na aabot sa panahon ng Undas. Mag-uumpisa sa ika-28 ng Oktubre at magwawakas sa ika-2 ng Nobyembre ang bakasyon.

***

KAKATWA ang tagpo sa stadium kung saan naglaban sa mga koponan ng Filipinas at Tsina sa FIBA Basketball Tournament. Mistulang mga tsonggo na nagtalunan sa tuwa ang ilang senador dahil tinambakan ng Filipinas ang Tsina. Nais nilang palabasin na kampi sila sa koponan ng bansa na dumaig sa koponan ng Tsina sa basketball. Sino ang maniniwala?

Nagsilbing miron ang ilang senador sa laban sa basketball ng bansa. Hindi namin babanggitin ang kanilang mga pangalan ngunit kasama sila sa mga mambabatas na kumampi sa Tsina sa panahon na nariyan si Gongdi at ibinenta ang bansa sa mga Intsik. May suot pa mandin na T-shirt ang mga hunghang na senador: “West Philippine Sea.”

“Ang tawag sa mga politiko na may suot na t-shirt na may West PH Sea sa laro ng Gilas, pero walang kibo sa pambu-bully ng China nung panahon ni Duterte ay epal,” ani Jerry B. Gracio, netizen at kritiko. Para sa amin mas bagay silang tawaging traydor imbes na epal. Silang ang mga taksil sa bayan. Ayaw namin silang sumikat sa walang dahilan.

***

Email:bootsfra@yahoo.com