Mga senador nagbabala na posibleng isunod ng mga hacker ang pag-atake sa mga critical infrastructure ng bansa
Advertisers
NAGBANTA ang ilang mga senador na posibleng simula pa lang nang mas malaking problema ang serye ng hacking at data breach sa ilang mga ahensya ng gobyerno.
Kapwa kinatatakutan nina Senators Win Gatchalian at Alan Peter Cayetano na lumawak pa hanggang sa mga critical infrastructures tulad ng kuryente, tubig, komunikasyon at iba pang sensitibong datos ang cyberattack na ginagawa ng mga hackers.
Ayon pa kay Gatchalian, hindi malabong ma-hack ang mga critical infrastructures lalo’t lahat ay dumedepende na sa paggamit ng internet tulad na lamang halimbawa ng pagbabayad ng mga bills sa telepono at iba pang serbisyo na lahat ay interconnected na.
Ipinayo pa ng mga senador na mismong ang mga kumpanya ay dapat mayroong sariling cyber security officer, cyber security plan at may pondo para labanan ang mga ganitong cyberattacks.
Ikinabahala ni Cayetano na kung maging ang mga sensitibong pag-uusap o negosasyon sa ibang bansa at depensang panseguridad ay ma-hack, pati na ang mga lihim na impormasyon ng iba’t ibang propesyon at pagkakasakit ay hindi malayong maisapubliko dahil sa hacking.
Babala pa ni Cayetano na delikado ang hacking dahil sa isang iglap ay maaari nitong sirain ang isang sistema o institusyon.
Hirit pa ng senador, kung hindi agad maaaksyunan ang problema sa hacking ay tiyak na mas masama at mas malala ang mga susunod na cyberattacks. (Mylene Alfonso)