Advertisers

Advertisers

Batikos kay Calipjo Jr., sampal kay PD Belmonte!

0 1,145

Advertisers

INUULAN, kaliwa’t-kanan ang pagbatikos ng mga mamamayan ng lalawigan ng Batangas at maging ng grupo ng Anti-Crime and Vice Group kay Malvar Town Police Chief Capt. Nemecio C. Calipjo Jr. dahil sa lantaran at garapalang ala mini casino ng isang alyas Glenda sa pusod mismo ng bayan ni Malvar Mayor Crestita Reyes.

Ang mga batikos na ito kay Capt. Calipjo Jr. at Mayor “Tita” Reyes ay tila mariing sampal kay Batangas PNP Provincial Director Col. Samson B. Belmonte na siyang superior officer ng binabatikos na hepe.

Ang mga kaganapang ito sa bayan ng Malvar ay maituturing na malaking kahihiyan sa hanay ng kapulisan at nagsisilbing hamon sa sinumang uupong bagong PNP Police Chief habang patuloy na nag-ooperate ang ilegal na pasugalang ito sa Brgy. Santiago, Malvar.



Ang beteranang pergalan (perya at sugalan) operator na si Glenda na kilala din sa larangan ng kalakalan ng droga at prostitution ay ipinamamalitang kumare si Mayor Tita kaya naman tumagal na nang mahigit pa sa isang taon ang kanyang pasugalang may bentahan din ng shabu na hindi hinuhuli, pinatitigil at tinitinag ng kapulisan ng Malvar Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Office sa ilalim ni LtCol. Victor Sobrepeòa at maging ng Batangas PNP Provincial Office.

Kadikit lamang ng mga pasugalan ng beteranang pergalistang si alyas Glenda na kilala ding “Mama Sang” o bugaw ng mga menor de edad na prostitute ang C.P. Reyes Satellite Clinic na kinararatayan ng mga dialysis patient.



Ang mga pasyente at pamilya ng naturang klinika ay umaangal sa mahigit sa isang taon nang operasyon ng color game, cara y cruz , drop ball at iba pang table at card game doon dahil sa kaguluhan ng mga sugarol, karamihan pa sa mga ito ay mga drug addict na halos 24/7 o 24 oras doong nagsusugal.

Sa dakong gabi ang mga sugarol ay maari namang kalabitin ang mga batos o empleyado ni alyas Glenda na nagsisilbi ding bugaw ng mga teen-age prostitute na kung tawagin ay “Maria Dampot” at sa halagang Php 2,000 ay maaring itake-out at mag-check-in sa alinmang hotel sa Sto Tomas City at Lipa City mula sa apartment na nagsisilbi ding safehouse nina Glenda at ng mga tauhan nito.



Ganyan palang kalupit at kabigat ng alagad ni Taning na alyas Glenda at ng kalaguyo nitong isang Batangas Police official sa larangan ng ilegal na industriya ng drug, gambling at prostitusyon. Dapat ilantad ng Batangas PNP kung sino ang kabit na pulis ni alyas Glenda na nagsisilbing ding isa sa mga protektor nito sa hanay ng kapulisan?

Dahil sa di pagtugon nina Mayor Reyes, Col. Belmonte at Capt. Calipjo Jr. sa daing ng mga naturang apektadong mamamayan. Nagdududa tuloy ang mga itong baka may malalim ngang koneksyon ang gambling at drug pusher na kapitalista sa mga nabanggit na police at government official?

Lalo pang tumatibay ang suspetsang protektado mismo ng ilang police official, LGU at barangay si alyas Glenda pagkat sa sandalling malakasan ang tayaan sa sugal ay may guwardiya pang unipormadong pulis at barangay tanod ang paligid ng pasugalan na malapit din lamang sa Malvar Police Precinct LIMA (Lipa-Malvar) Industrial Park at di rin kalayuan sa mga kainan ng Groove Park at Mang Inasal sa Brgy. Santiiago, MalvarTown.

Maliban sa tila pader na ala POGO mini casinong pasugalan, drug at prostitution den ni Glenda sa Malvar ay nag-ooperate din sa Malvar ang STL con-jueteng nina Eboy at alyas Nestor na nagpapanggap na utol ni Mayor Reyes.

Ang rebisahan ng mga ito ng taya STL con-jueteng o bookies ay sa Brgy. San Fernando ng naturan ding munisipalidad. Mayroon ding araw-araw na malakasang ilegal na pasabong o tupada sa Brgy. Bagong Pook ang isang alyas Gen Abo Sayaf a.k.a Gen Abo Gago na kilala ding operator ng STL con-lotteng sa Malabon City.

May kapareho ding operasyon ng gambling joint ang notoryus na si alyas Glenda na nagkukubli bilang tradisyunal na peryahan sa Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City sa probinsya ng Batangas, pero tila walang alam dito sina Batangas Provincial Director Col. Samson B. Belmonte, Lipa City Mayor Eric Africa at City Police Chief LtCol. Rix Villareal.

Sa bayan naman ni Taytay Mayor Allan de Leon sa lalawigan ni Governor Nini Ynares ay ang magkasosyong Jose at Pearly ang mga maintainer ng POGO style mini casino na matatagpuan sa parking space ng ground floor ng G Vibes Resto Bar sa Brgy. San Isidro. Ngunit ang nakapagtataka’y wala alam dito sina Rizal PNP Provincial Director Col. Felipe B. Maraggun at Taytay Police Chief Gaylord Pagala.

Sa Disyembre 3 ang sinuman sa mga aspirating PNP Chief na papalit sa posisyon ni PDGen. Benjamin Acorda Jr. ay tiyak na bubulagain ng mga problemang iiwan at di naaaksyunan ng mga provincial director at police chief ng Batangas, Rizal at iba pang dako ng bansa lalo na ang suliranin sa lumalalang operasyon ng mga puwesto pijo na pasugalan con mini casino.

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144