Advertisers
ANAK NG TIPAKLONG, o hayan, ginulo kasi ng House of Romualdez ang pansitan ni Tatay Digong, lagot na kayo. E, pakuyakuyakoy na lang si dating Presidente Duterte, e makakatiis ba siya na di kumibo e panay-panay ang pagbira nyo kay Vice President (VP) Inday Sara.
Ok na kay Inday Sara na burahin na ang confidential at intel fund niya, aba may umeksenang ilang mambubutas este “mambabatas” at nagpaugong ng impeachment for the VP e ano kayo, binara kayo ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Sabi niya, walang dahilan para i-impeach ang best friend forever (BFF) niyang DepEd Secretary.
Itinanggi ni Tambaloslos na walang impeachment, pero umuusok pa rin ang House of Romualdez, at pag di nyo mapigilan ang galit ng mga DDS, lalo na si Senadora Maria Imelda Josefa Remedios ‘Ate Imee’ Romualdez Marcos, nakupo, masusunog ang ambisyon mo, Sir Congressman Martin.
Kasi naman, imbes na makinig ka sa pinsang Sen. Imee, kanino ka nakikinig, sa sulsol ng mga Kamatayan bloc, at grabe, bistado na ang inyong alyansa na gibain ang karisma ni VP. The smoke is there at pag di nyo, napigilan, masusunog kayo.
Galit ang taumbayan! Imbes na makontrol ang presyo ng bigas, sibuyas at mga de lata, impeachment, pagpasok ng International Criminal Court (ICC) investigators ang iniintindi nyo, Boss Martin. Sumisigaw sa hapdi ang sikmuna ng pamilyang Pinoy, ang mga dimwit na mambubutas ang inaatupag ay pabagsakin si Inday.
Ang pabagsakin nyo ay presyo ng pagkain; dapat kastiguhin ng Bahay ni Martin ang pagsasauli ng P200 bilyon na overcharging ng Meralco at busisiin nyo ang onerous contract ng Maynilad at Manila Water nang magkasilbi naman kayo. Wag si Inday ang upakan nyo, sina Ayala at Pangilinan ang apuyan nyo ang mga betlog .
Pinsan Martin, wag mong balewalain si Ate Imee mo, ‘wag mo siyang galitin, tandaan mo, hindi mo hawak ang Leyte at iba pang rehiyon sa Visayas at Mindanao. Hawak ‘yon ng mag-BFF na Inday at Lola Gloria Arroyo.
Mabigat ang sabi ni Ate Imee na kahit siya na lang ang matira, at kung mangyaring iwanan ni PBBM sina tatay Rody at BFF Inday, titindig siya, susuportahan niya ang mga Duterte. Parang sinampal ni Ate Imee si pinsang Martin sa pahayag niyang ito, ito ay pakiramdam ko lang naman.
Dahil sa iyo, Sir Tamba, naging House of Balimbing na ang Kongreso, at pati si Cong. Sandro Marcos, nauto mong upakan si Lolo Digong. Pag dehins ka nagbago, iiyak ka, masusunog ka. At tandaan mo, sa history ng PH politics, wala pa, yes, wala pang Speaker na tumakbong presidente na nanalo!
At itanggi, despite the announcement of PBBM na hindi deserve na i-impeach si Inday Sara, very busy kayo sa pag-aaral kung paano maikakamada nang mahusay ang article of impeachment na kuno ay culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust na planong ipandurog nyo kay Inday Sara.
Keber, sabi nga ni ex Prez Digong, tatakbo siya at sigurado, ayon sa maraming survey na mananalong senador sa 2028 at pag nangyari iyon, uusok ang tumbong ng mga Tambaloslos.
At alam mo na, Sir Martin, magugulat ka, gumugulong na ang martsa ng bayan na isisigaw sa inyo ang paghingi ng resibo, yes, resibo ng mga bilyones pesos na kinubra nyong Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), Extra-Ordinary Expenditures, Representation Allowance and Transportation Allowance (RATA), bonuses, pork barrel at iba pa.
Isisigaw sa gagawing martsa ng taumbayan, “Pera namin yan!” “Hindi nyo pera ‘yan.”
Hihingiin ng taumbayan na magtuos kayo ng inyong ginastos, at ipakita nyo ang “Resibo, resibo!”
***
Teka, may hindi maipaliwanag na kaso raw itong Chief Executive Officer (CEO) ng Maharlika Investment Fund (MIF) — na sabi, dismis na raw, pero ano ang mga kasong iyon, paano at kailan nadismis, e walang paliwanag si Sir Rafael Consing Jr.
Credibility, integrity sa isyung ito, kaya kailangan nyo, Sir Consing na ibulatlat ang totoo para mabura ang duda na kaya nga nyong mahusay na mahawakan ang bilyon-bilyong pera naming taxpayers. Baka, magkatotoo ang pangamba ng marami na malustay sa wala ang MIF at lalong mabaon sa kumunoy ng pagkagutom kaming dugyot na Pinoy.
***
Wala raw destabilization plot kay PBBM pero malakas ang ugong, mayroon daw. Hindi sisingaw ang init kung walang apoy, at kung patuloy ang pagkadismaya ng taumbayan, nakupo, ayaw natin isipin na mauulit ang scenario ng February EDSA Revolt.
Kung mangyari — na sana naman ay wag mangyari — si Kuya Martin kaya ay maasahan ni PBBM. Duda kami, kasi, the House of the Sinking Sun is crawling with Romualdez NPA friends at mga kakamping balimbing.
Isinusulong ng mga NPAs sa Kamara na burahin ang NTF-ELCAC na panay ang red-tagging na kinontra ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, sabi niya, itong ahensiya ay nakita na napaka-effective sa pagsugpo sa pagdurog sa mga komunista sa bayan natin.
Dahil puno ng mga balimbing at komunista ang House of Romualdez, nababahala na ang mga AFP, PNP retirees at active Military at PNP personnel at napansin nyo, kahit pabalat-bunga, kahit pa-consuelo de bobo, ang bahay ng mga Tambaloslos e hindi man lang nagpasa ng resolution na kinokondena ang pagpatay ng mga NPAs at mga terrorista sa ating mga sundalo at pulis.
Mayroon na ngang BFF ang mga NPAs sa Senado at kahit i-deny pa ni Sen.Bato dela Rosa, alive pa rin ang oust-PBBM plot. Imposible, pakinggan ang daing at sigaw ng mga nagugutom, ang mga maysakit, ang mga ninakawan ng lupa, ng dangal at ng hustisya.
***
Resibo, resibo nyo ay ilabas, panawagan ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director, Usec. Paul Gutierrez sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Kasi naman, kayo mga kapatid sa kabilang kampo, nagkakalat kayo ng mga balitang unverified, at parang kung saan comfort room lamang nyo naamoy.
Sabihin ba naman na mahigit daw 100 journalist ang victims of crimes and harassment sa mahigit lang isang taon ng Marcos administration, e sa rekord ng PTFoMS , lima pa lamang ang oisyal na tala ng naging biktima ng karahasan — ang apat ay namatay at ang isa ay naka-survive.
Ang masama, kahit hinihingi ni Usec. Paul sa NUJP ang rekord, documents at iba pang info sa mga kuno ay biktima ng karahasan, pagpatay, walang maipakita ang tropang ito.
Ano ito, ginawa ng NUJP para siraan ang PTFoMS, at pasamain ang malinis na reputasyon at integridad ni Usec. Paul? Naman, walang ganyanan mga kapatid sa NUJP.
Hayan, naungkat tuloy ang paghingi sa resibo, yes ang accounting ng perang kinolekta nyo noon para iayuda raw sa mga biktima ng Maguindanao massacre — na ayon sa rekord, mahigit sa 32 ang napatay na journalist.
Nito lang Nov. 23 ay ginunita natin ang ika-14 taong anibersaryo ng Ampatuan massacre, pero ang auditing ng perang nakolekta nyo, mga kapatid sa NUJP e up to now wala kayong naisapubliko sa pamilya ng mga biktima ng karumaldumal na krimeng iyon na gumimbal sa buong mundo.
Asan po ang resibo, tanong ni Usec. Paul na sabi niya, ang PTFoMS, matagal nang naipakita ang auditing ng mga donasyong pera sa mga biktima ng masaker.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.