Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
KUNG sa mga naunang interview ni Kim Chiu ay dinenay niya ang balita na hiwalay na sila ni Xian Lim. Na ang sinabi niya ay going strong pa rin ang relasyon nila, at sinabi pa niya na mapanlilang ang showbiz pero maayos naman daw sila ni Xian, at masaya sila.
Ngayon sa interview niya sa ABS-CBN News, nang matanong siya tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Xian, na kung sila pa ba ng aktor, ang tumatawang sagot niya, “Grabe, sa amin na lang muna ‘yon. We’ll just keep it to ourselves na muna.”
Base sa naging sagot na ito ni Kim, iniisip tuloy ng iba, na baka nga break na sila ni Xian. Kasi, malayo ang naging sagot ni Kim noon na sinabi nga niya na maayos ang relasyon nila ni Xian, sa naging sagot niya ngayon sa bagong interview niya tungkol sa relasyon nila ng binata.
Well, sana nga ay hindi pa hiwalay sina Kim at Xian. Isa kasi kami sa mga malulungkot kung magkakanya-kanya na sila ng landas. Isa kasi kami sa nagmamahal sa kanilang tambalan, at relasyon, at hangga’t maaari ang gusto namin ay for keeps na ang relasyon nila, na umabot na sa simbahan ang kanilang pagmamahalan.
At marami kaming kaibigan sa mga tagahanga nina Kim at Xian. At alam namin, kung gaano nila kamahal sina Kim at Xian. Siguradong sobra silang malulungkot kung totoo nga ang mga lumalabas na balita na hiwalay na ang dalawa.
Well, sana nga ay sina Kim at Xian pa rin, na hindi totoong break na sila.
***
SA katatapos lang na 6th edition ng The EDDY’s Awards ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd)ay tie bilang Best Actress sina Janine Gutierrez para sa pelikulang Bakit Di Mo Sabihin?, at Max Eigenmann para naman sa natatangi niyang pagganap sa 12 Weeks.
Personal na tinanggap ni Max ang kanyang Best Actress trophy at inialay ito sa kanyang ina, ang dating beauty queen at aktres na si Bing Pimentel.
Hindi naman nakadalo si Janine sa okasyon kaya ang kanyang inang si Lotlot de Leon ang tumanggap ng kanyang tropeo.
Naging emosyonal pa nga si Lotlot nang magpasalamat sa iginawad na parangal ng The EDDYS para sa kanyang panganay na anak.
“Alam n’yo po, pangarap ko talaga na makatanggap ng Best Actress award, ‘yun pala tatanggapin ko, ‘yung sa anak ko. Janine, I’m so proud of you, my darling!” bahagi ng speech ni Lotlot.
Si Elijah Canlas naman ang tinanghal bilang Best Actor para sa mahusay niyang pagganap sa Blue Room. At ang nasabing pelikula rin ang wagi bilang Editor’s Choice Awards, ka-tie ang Family Matters.
Si Mon Confiado ang nagwaging Best Supporting Actor para sa Nanahimik ang Gabi. Ito ang ikalawang pagkakataon na nakakuha ng kaparehong award ang aktor sa The EDDYS mula naman sa pelikulang “Arisaka”.
Si Nikki Valdez ang hinirang na Best Supporting Actress para sa pelikulang Family Matters.
Congratulations sa lahat ng nagwari.