Advertisers
MAHIGIT P1.5 milyon halaga ng alahas at cash ang natangay ng grupo ng kawatan nang butasin ang sahig ng isang pawnshop at pagnakawan sa Barangay Talisay, West District, Sorsogon City, Sorsogon.
Nadiskubre ang pagnanakaw 8:10 ng umaga nang pumasok ang mga kawani ng Paracale Gold Pawnshop Branch 2 sa naturang lugar.
Nabatid na mula sa labas ng gusali, gumawa ng butas ang mga kawatan patungo sa direksyon ng pawnshop. Nang nasa ilalim na ng target na pawnshop, binutas naman ang sementadong sahig hanggang makapasok sa loob.
Pinaniniwalaang gumamit ang grupo ng welding machine o acetylene upang mabutas nila ang bakal na pintuan ng vault room.
Nang makapasok, binutas naman ang vault na nasa loob hanggang makuha ang nasa 300 piraso ng mga alahas na tinatayang nasa P1.5 milyon ang halaga at cash na P30,000.
Pinaniniwalaang matagal na pinag-aralan ng mga kawatan ang eksaktong lokasyon ng pawnshop bago ginawa ang pagnanakaw.