Advertisers
MATULOY man o’ hindi, ang naka-schedule na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na November 2, isa lang ang paalala ko sa inyo, kilatising maigi ang inyong mga iboboto.
Sa mga kanayunan lalo na iyun mga malalayong barangay, ingatan nating ang susunod na mauupo bilang lingkod bayan ay siguradong mga makabayan, maglilingkod ng di para sa sarili, kung di para sa nakararami.
Dangan kasi, kahit itong BKSE, ay sinasamantala rin ng mga rebelde, lalo na yaong mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF. Naglalagay sila ng kanilang kandidato at pilit na ipapanalo para mayroon silang kaalyado.
Kung ang inyong lugar ay pinamumugaran at pinipeste ng CPP-NPA-NDF, aba mag-ingat kayo. Sipatin maiigi ang mga background ng mga tatakbo sa BKSE.
Dito naman sa kamaynilaan, madali rin kilatisin ang mga tatakbong kandidato sa BSKE. Lifestyle, o’ yaong pamamaraan ng pamumuhay ang batayan lamang. Yun bang kanilang pag-uugali. Pakikitungo, porma at bisyo. Kung yan ang susuriin niyo sa mga kandidato sa BSKE , sigurado ako na di kayo magkakamali.
Kasi naman, ang paglilingkod sa barangay ay may ‘personal touch’ na tinatawag. Kilala at malalapit sa atin ang sino mang nagtatrabaho dito. Kaya nga, ang gawa ng mga mahuhusay nating mga mambabatas ay laging pinagliliban ito, dahil kinakapa nilang maiigi ang mga nanunungkulan sa ating mga barangay. Bakit? Sila ang mga taong pwedeng pakilusin para sa kanila ring ikapapanalo sa eleksiyon.
Gayun man, balikan muna natin ang BSKE elections, mahalaga sa atin ito. Kung di maganda ang ipinakitang serbisyo ng mga kasalukuyang mga barangay opisyal, ito na ang panahon na sila ay mapalitan. Pay back time ika nga ang BSKE elections.
Sa atin namang mga mambubutas, mambabatas, huwag niyo naman gaano galingan, at sasabihing kailangan ipopostpone na naman ang BSKE elections. Para sa bayan ito. Huwag kayong manghinayang sa P19-Billion na budget nito.
Halos dalawa ng beses na ninyo pinagliban ang BSKE elections na ang huling halalan ay noon pang Oct. 30, 2023. Tantanan niyo na ang BSKE, batas na iyan, na kayo rin ang nagpasa.
Isa pa, nasa inyong mga kamay nanggaling ang mga walang-silbing barangay officials, dahil sa pagpapaliban niyo nito. Hayaan niyong makabawi naman ang taong bayan sa mga barangay opisyal na pakaang-kaang lang at hayahay na ang buhay dahil nakapagnakaw na rin, na gaya niyo.