Advertisers
HALOS nawala na ang scammers sa text dahil nakarehistro na ang mga simcard, sa social media naman sila ngayon nanloloko.
Oo! ayon sa Philippine National Police – Cybercrime Group, tumaas ang bilang ng kaso ng scammers sa social media. Nangunguna rito ang online buy and sale, online booking para sa pagta-travel/tour at marami pang bagong nagsulputan gaya ng online raffle at online gambling.
Maaring maiwasan ang lahat ng ito kapag naging maingat sa pakikipagtransaksiyon.
Tulad ng sa online buy and sale, kapag naging makulit ang katransaksiyon, nagmamadaling magpadala agad kayo ng pera tapos kulang ang mga detalyeng hinihingi mo, malamang scam yan lalo kung hindi naman sila pasok sa mga kilalang online sellers.
Sa online booking naman para sa pagta-travel/tour, kapag ang kausap ay nag-aalok ng mas mababang rate sa food and accomodation, kulang ang mga detalyeng gusto mong malaman at nanghihingi agad ng downpayment, magduda na kayo, malamang scam!
Dito naman sa mga online raffle kuno ng kotse, na ang tiket ay tig-P300, at may choices na P2 million cash, malamang scam yan.
Ang legal na raffle lalo milyones ang halaga ay dapat nakarehistro, may kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) at may petsa at oras ng draw, hindi yung parang jueteng na isisigaw nalang sayo ng kubrador kung ano ang lumabas na kombinasyon. Animal!
Kalat na kalat ngayon sa Facebook ang online raffle ng mga kotse na may choices na P2m cash. Napakarami nilang FB accounts pero iisa ang porma ng kanilang marketing, ibig sabihin isa lang ang may gawa nito. Scam ito!
Talamak narin ang online gambling, kabilang na rito ang online sabong na gumagamit pa ng mga mukha ng mga kilalang sabungero at breeders sa kanilang panghihikayat ng mananaya sa Facebook. Huwag itong patulan, talong talo kayo rito.
Dapat trabahuin ito ng husto ng PNP Cybercrime Group, NBI Cybercrime Unit at ng Department of Information, Communications and Technology (DICT). Now na!
***
Itinodo na ng umaming DDS hitman, retired police Arturo Lascanas, ang kanyang expose laban sa kanyang dating bosing na si ex-Davao City Mayor/ex-President Rody Duterte.
Sa kanyang latest expose sa panayam ng beteranong mamamahayag na si Antonio Montalban ll ng VERA Files, sinabi niyang si Duterte ang nag-utos ng police raid sa compound ng Parojinog sa Ozamis City kungsaan napatay si Mayor Parojinog, asawa, dalawa niyang kapatid at ilan pang tauhan. Kalaban daw kasi ito ni Duterte sa illegal drugs business.
Inakusahan din niya si Duterte na siyang nagpapatay kay Clarin, Misamis Occidental mayor David Navarro noong October 2019. Iniutos din aniya nito ang paglikida sa noo’y Commission on Human Rights chair Leila Delima at sa isa pang pari sa Davao City pero hindi nangyari dahil sa maraming dahilan.
Kung ang convicted criminals sa Bilibid ay pinaniwalaan ng korte para madiin at makulong si Delima sa drug cases, bakit si Lascanas na isang ex-police officer ay ayaw pakinggan ng korte? Kailangan pa bang sa ICC talaga magharap sina Duterte at Lascanas? Subaybayan!