Advertisers
Habang nanonood ako ng telecast ng Translacíon ng Itim na Nasareno sa Quiapo, nagulantang ako nang napanood ko ang isang patalastas na humihikayat na suportahan ng madla ang ChaCha o pagpalit ng ating Saligang-Batas. Dahil beterano ang inyong lingkod ng pamamalastas sa loob ng apat na dekada, dalawa ang tiningnan ko sa patalastas. Una, ano ang mensahe nito, at pangalawa kanino nakatukoy, o sino ang “target market” ng naturang patalastas? Ito lang po. Hindi biro ang gumawa ng isang patalastas. Ang gagastusin ay angaw-angaw na piso sa halaga. Para sa karagdagang kaalaman natin ang isang angaw sa Tagalog ay isang milyon. Sige, himay tayo. Maganda ba ang pagkagawa? Hindi. Halatang-obvious na mumurahin, dahil kung malaking ahensiya ang gumawa, angaw-angaw na piso ang perang tutustusin dito.
Sa storyboard at konsepto pa lang, nakikita na walang ahensya ang nasa likod o nagbuo ng patalastas. Sa maikli, binuo ito ng Sila-Sila Productions. Tuloy natin ang paghimay. Hawsiyaw ang pag dirihe na mukhang sa loob ng isang opisina inedit. Bukod sa malabo at hindi pulido ang kalidad ng mga imahe. Tintiyak ko na minadali ito. Nabagabag ako ng husto dahil ang storyboard o storyline nito ay korupsyon ang dahilan ng problema ng bansa, na ang tanging solusyon ay ang palitan ang mismong Saligang Batas. Maliwanag na to ay propaganda na nililihis ang sisi mula sa mga ihinalal nating mga pulitiko. Simple po. Hindi ang Saligang-Batas ang problema kung hindi ang mismong nagpapairal nito.
Ang mga ihinalal at iniluklok ng mga botante ang problema. Ang mga mahilig magsuklay ng tutsang imbes na ipairal ang batas na makakatulong sa taumbayan. At ang nakakatakot dito, kapag ipinahintulutan sila sa kanilang maitim na balak, parang nagbukas tayo ng isang malaking pritil na aagos at tatangay sa ating lahat. Sang-ayon ako sa sinabi ni Christian Monsod, isa lang naman siya sa nagbuo ng 1987 Constitution. Sa panayam sa kanya sa programa ni Christian Esguerra, sinabi niya na hindi perpekto ang ating Saligang-Batas. Pero ang ibigay mo ang pahintulot na baguhin ito sa kasalukuyang mga nasa Kamara ay hitik sa panganib, dahil magdedesisyon sila galawang hindi “bicameral” o sumusunod sa “legislative procedure.”
Ang gusto nilang mangyari magbobotohan na hindi dadaan sa binanggit kong “legislative procedure” na sumusunod sa “bicameral procedure”. Ang gusto nila boboto ang Mataas at Mababang Kapulungan ay magbobotohan. Sa isang “bicameral procedure” magbobotohan ang Mababang Kapulungan, at ang Mataas na Kapulungan o Senado ang raratipika dito. Ito ang nararapat mangyari sa iang “bicameral” at “legislative” na pamamaraan. Sa gustong mangyari ng mga nagtutulak ng Cha-Cha, boboto sila pareho.
Eto lang ang napuna ko: mahigit tatlong daan ang miyembro ng Mababang Kapulungan, at sa Mataas na Kapulungan ay dalawamput-apat. Pangalawa, at pinakamatindi, ang botohan na hindi dumadaan sa “checks and balances” na nakikita sa “bicameral procedure” ay paglabag sa ating Saligang-Batas. Hindi na ako magpapatumpik-tumpik; bukod sa pagyurak ng Saligang-Batas, nanganganib ang bayan dahil sa pagpapahintulot sa ChaCha, ay pagpapahintulot na lagyan tayo ng tanikala sa leeg. Kilala na nating lahat kun sino ang mga nasa likod ng ChaCha, at, paulit-ulit na nilang tinatangka ito.
Salamat sa “checks and balances” ng “bicameral system” ng ating Lehislatura, hindi sila nagtatagumpay. Halatang-obvious na pinupunteriya ang kasalukuyang Saligang-Batas dahil sa “checks and balances”. Nakikita nila na ito ang balakid sa lahat ng kanilang maiitim na balak. Kaya pakusap ng abang paryodistang ito: aalukin kayo ng pera, pabibilugin nila ang inyong ulo sa pamamagitan ng matatamis na salita, pero ang matatamis na salita ay nagpaparang matatamis na salita ng isang puta sa isang donselya. Tatakutin at uutuhin nila tayo kaya ano man ang mangyari HUWAG TAYONG PIPIRMA. Yung alok nila na tig-isang daang piso para sa bawat pipirma para sa ChaCha, ay insulto. Ginagawa nila tayong mga uto-uto. Huwag maniniwala sa matatamis na salita ng isang puta. Hindi tayo mga uto-uto at hindi tayo dapat maniwala. Hindi tayo dapat masisilaw sa suhol nila.
Tayo ay mararangal at may prinsipyo. Huwag tayo magpaakit sa matatamis na salita nila. Huwag natin ibenta ang ating dangal. Ito lamang ang huling pakiusap ko: Kung nahahabag na tayo sa kinahihinatnan ng ating pulitika, huwag natin sisihin ang Saligang-Batas. Ang makasariling pulitiko na iyakin pero naglilimahid sa mantika ang bunganga, na hayok sa kapangyarihan ang sanhi ng kinalagayan natin. Huwag na natin sila iluklok, sapagkat wala silang malasakit sa atin. Maging mapag-nilay na tayo sa ating pipiliin. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian at mabuhay tayong lahat! NO TO TRAPOS!!! NO TO CHACHA!!!,
***
Mukhang napipinto na ang extradition order para dakpin si Apollo Quiboloy at nagbigay na ng pagsasang-ayon dito ang Malacañan. Sinabi ng mga mambabatas at senador na kasapakat ng dating “serial killer” na presidente na ito ay paglabag sa kasarinlan ng ating bansa. Siguro nararapat lang na tumigil muna sila sa pagcha-chacha at makinig: meron tayong “extradition treaty” sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Nilagdaan ito noong 1994. Sa paglalagang ito may obligasyon ang bawat bansa na tuparin ang tratado.
Kapag nilabag ng alinmang bansa ito, hindi na maniniwala ang mundo, partikular ang mga kasapi ng United Nations na magiging seryoso ang anumang bansang nasa tratado, at hindi na ito seseryosohin. Hindi ito katulad ng pasyang ehekutibo, o “executive decision”. Kaya ang mga hindi sumasang-ayon ditong mga mambabatas mag hunos-dili kayo. ‘Eka nga ng yumaong ama ko: LITTLE KNOWLEDGE IS DANGEROUS. Kaya huwag na tayong magluklok ng mga lider na may LITTLE KNOWLEDGE.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “Maganda ang bungad ng taon. FB deleted the pages of Sass Rogando Sassot and Banat By. Not suspended ha but DELETED. And we know what they say of some people. When they disappear, it’s a brighter day… Bawas kalat sa FB. Bawas propagandista…”- Anna May Hipolito, netisen, kritiko
“Pursigido sila na maitulak ang Chacha. May ads pa sila kahapon sa TV Patrol. At di nilagay kung sino ang nagbayad…” – Dato A. Dumagat, netisen, kritiko
***
Wika-alamin BALATENGA tali na may pabigat sa magkabilang dulo na ginagamit pandagit sa saranggola. Nagpara itong “bolas” ng mga gaucho ng Argentina. Kapag ginamit sa salita: “Gumamit ako ng balatengga para madagit ang guriyon ng kapit-bahay ko”.
JokTaym:
MISIS: Lolokohin ko mister ko… Uy ayan
siya… Timing… (Biglang nagpanggap
na prosti sa kanto):
MISIS: Hello pogi… Available ako ngayon…
Type mo ba?…
MISTER: Ayoko sa iyo!… Kamukha mo misis ko!!!
***
mackoyv@gmail.com