Advertisers
MATINDING pasabog ang binitiwan ni dating Pangulong Digong sa isang kilos-protesta na ginanap sa Lungsod ng Davao laban sa administrasyon ni Marcos Jr.
Ang nakalulungkot ay malinaw na patungo pa ang bayan natin sa mas kumplikadong sitwasyon dahil sa bangayan ng dalawang kampo sa kabila nang hinaharap na sangkaterbang problema ng bansa.
Hindi maikakaila na malakas at mabango pa rin sa mga maraming Pinoy ang dating Pangulo bagaman wala na ito sa anumang trono ng kapangyarihan sa gobyerno kaya tiyak na mabigat na maituturing ang kanyang mga naging pahayag.
Mabuti naman na naging kalmado ang naging kontra pahayag ni Pangulong Marcos Jr. upang pabulaanan ang matatawag natin sa Ingles na ‘below the belt’ na akusasyon. ‘Foul’ ika nga nila dahil kilalang magkakampi ang mga ito.
Sayang ang samahan, sayang ang matagal na pagkakaibigan matapos ang pangyayaring ito at saan man natin tignan ay dehado ang angkan ng Duterte sa oras na dumating ang araw na garapalan na ang giyera-pulitika.
Kung pagmamasdan natin ang ugali ng Marcos Jr. ay mukha naman talaga na mabait o kalmado ito kaya kahit na sugatan at natalupan sa mga naging banat sa kanya ay nakuha pa rin nitong tumugon nang mahinahon.
Ang problema lang ay yung mga tao na nasa paligid ng Marcos Jr. na ang utak ay gumanti dahil kapag pumatol ito sa naging aksiyon o pahayag ng matandang Duterte ay tiyak patungo sa kaguluhan ang ating bansa, taumbayan ang kaawa-awa.
Hindi na siguro maisip ng mga kababayan natin kung may solusyon pa na manatiling magkakampi ang dalawang kampo makaraan ang ganoong masasakit na pahayag sa isa’t-isa.
Subalit natitiyak natin na hindi sa panahon na ito mangyayari dahil bukang-buka at sariwa pa ang sugat na iniwan ng mga pahayag laban sa Marcos Jr. kabilang na ang kanyang pamilya o angkan.
Alam naman natin ang kultura ng Pinoy pagdating sa pamilya. Kapag nadamay ang isa man sa pamilya, tama man o mali ang ginawa, ay magkakampihan na ito hanggang huling hininga ng mga ito. Abangan!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com