Advertisers
IKINALUGOD ng Malakanyang ang pagsasampa ng kaso ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa isang cosmetics company.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), naisampa ang reklamo laban sa Ever Bilena Cosmetics, Inc. kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na habulin ang mga tax evaders.
Nag-ugat ang reklamo sa hindi raw pagbabayad ng kompanya ng mahigit siyam na milyong pisong tax o buwis mula 2018 hanggang 2021.
Sa impormasyon mula sa PCO, lumabas sa rekord ng BIR na maraming purchases ang iniulat ng kompanya sa loob ng nasabing panahon.
Gayunman, natuklasan na wala umanong transaksiyong naitala sa mga rekord at ang iniulat na mga purchases ay batay sa non-existent goods o services mula sa isang ghost company.
Matatandaang inatasan ni PBBM si Finance Secretary Ralph Recto na habulin ang mga tax evaders kung saan iginiit ng Presidente na nagiging paraan ng negosyo ang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis. (Gilbert Perdez)