Advertisers
SA MUNDO natin ngayon na laganap ang baluktot na mga impormasyon at pekeng balita, mahalagang maging mapanuri tayo at matiyak na tamang impormasyon lamang ang ating pakikinggan at paniniwalaan.
Subalit paano naman kung ang mga taong inaakala mong mga awtoridad at mapagkakatiwalaang source ang tila nagkakamali at hindi makatotohahan sa kanilang mga ipinapahayag?
Katulad na lang halimbawa sa isyu sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na muling nalalagay ngayon sa kontrobersya.
Ito ay matapos sabihin ni Sen. Raffy Tulfo na base sa dokumentong hawak niya ay napansin nilang may isang tao na nanalo kuno ng 20 beses sa PCSO lottery games.
Natural na magiging negatibo ang reaksyon ng publiko laban sa PCSO dahil sa pahayag na ito ni Tulfo.
Pero maliwanag na may intellectual dishonesty na ginawa si Tulfo hinggil sa isyu, malamang para maka-score siya ng political pogi points at maisulong kung anuman ang sarili niyang adyenda.
Una ay hindi niya binanggit na ang listahang hawak niya ay ibinigay mismo ng PCSO sa kanya, at hindi istupido ang ahensiya na magbibigay ng dokumento na ikapapahamak nito.
Pangalawa ay hindi niya rin sinabi na ang taong kumubra ng 20 beses ay sa mga digit games at hindi sa mga jackpot games gaya ng grand lotto at iba pa.
Pangatlo ay hindi niya rin sinabi na sa parehong listahan ay nandoon ang pangalan ng mga jackpot winners, at wala isa man sa kanila ang nanalo ng dalawang beses.
Pang-apat ay hindi niya sinabi na sa digit games ay puwedeng ipa-claim ng mga nanalo sa ibang tao ang kanilang premyo dahil na rin sa mga kadahilanang malayo sila sa mga PCSO branch.
Iyong iba naman ay walang mga valid ID kaya mismong mga lotto agent na ang pinakikiusapan nilang mag-claim ng premyo sa mga PCSO branch.
Obligado kasing magpunta ang mga lotto agent sa mga branch isang beses sa isang linggo para kumuha ng mga collaterals gaya ng thermal paper, ink at iba pa, kaya isinasabay na lang ng mga nanalo ang pagpapakuha sa kanilang premyo.
Maliwanag na hindi ibig sabihin na nag-claim ang isang tao ng 20 beses ay 20 beses din siyang nanalo sa lotto.
Kadalasan mga lotto agent iyan na umaaktong Good Samaritan sa mga mananaya nila.
Siguro naman ay alam na ni Tulfo ngayon ang dahilan kung bakit may ilang indibidwal na madalas kumubra ng panalo sa lotto.
Sana naman sa susunod ay maging maingat si Tulfo sa mga salitang kanyang binibitawan at maging responsableng opisyal ng ating pamahalaan.
Abangan!