Advertisers

Advertisers

LTCOL. SHAMGAR VALDEZ MALABO MAGING BATANGAS CITY COP!

0 1,401

Advertisers

MAGING Batangas City Police Chief pa kaya si LtCol. Shamgar Valdez na ngayon ay Officer-In-Charge (OIC) kung patuloy na nakapag-ooperate ang mga perwisyo at mapanganib na sindikato ng “buriki”, colorum van at illegal terminal sa lungsod na itinuturing na isa sa premyado,malinis at matiwasay na siyudad?

Hinding-hindi papayag o pahihintulutan ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha na “pagkutaan” ang alinman sa 105 barangay sa lungsod ng salot na buriki na kilala din sa larangan ng underworld na paihi, patulo, paawas at pasingaw.

Kumpirmadong may “lihim na hayag” na operasyon ng burikian/paihian sa tatlong barangay ng naturang siyudad. “Lihim na hayag” ang mga kuta ng sindikatong ito sapagkat kumpirmado na nag-ooperate nga ngunit itinatago,kinakanlong at pinalulusot naman ng ilang protektor na pulis at National Bureau of Investigation (NBI) official. Ang sindikato ng “buriki’ ay nagkukuta sa mga barangay ng Sampaga, Sta.Clara at Balagtas sa naturang lungsod.



Kataka-takang ang mga chairman lamang yata ng tatlong nasabing barangay ang hindi nakakaalam na ang kanilang lugar ay “pinepeste” na ng sindikatong “buriki” na walang takot sa pagnanakaw ng mga produktong petrolyo, liquefied petroleum gas (LPG) at oil product na pag-aari ng mga inosenteng trucking at business operator.

Nilalagay sa matinding peligro ang buhay ng maraming mamamayan sa barangay ni Sampaga Chairman Rodel Banaag pagkat maging ang highly combustible na A-1 Jet Fuel na gasolina ng eroplano ay ipinabuburiki din ng isang alyas AMIGO. Kasabay ng pag-upo sa pwesto ni LtCol. Shamgar Valdez bilang OIC police chief ng Batangas City ay nag-operate na din doon ang nabanggit na burikian.

Si alyas AMIGO ay hindi lamang kilalang “hari ng buriki” kundi big-time na drug pusher din sa kalakalan ng droga, bantog pa itong godfather ng mga hired killer sa lalawigan ni Quezon Province Governor Angelina “Helen” Tan kung saan nag nagmamantine din ito ng burikian sa tabi ng Phoenix Gasoline Station sa Brgy. Malabanban Sur ng bayan ni Candelaria Mayor Ogie Suayan. Ang isa pang kuta ni alyas AMIGO ay nasa Brgy. Talim sa siyudad ni Lucena Mayor Mark Don Victor Alcala.

Mistulang mga inutil naman pagkat walang aksyon laban sa mga naturang paihian sina Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte, Candelaria Police Chief LtCol. Bryan Merino at Lucena Police Chief LtCol. Ruben Ballera.

Salang-sala ni alyas AMIGO at ng kanyang mga alipores maging ang mga kargamentong A-1 Jet fuel na gasolina ng eroplano na napaka-delikado pagkat anumang sandali ay maaring sumambulat at lumikha ng malaking sunog sa Brgy. Sampaga.

Hindi lamang iilan kundi posibleng daang katao ang masasawi kapag nagliyab ang tanker truck na pinagnanakawan ng grupo ni alyas AMIGO. Sa kabila ng nakaambang panganib ay bantay sarado pa ng ilang barangay tanod at unipormadong pulis habang nagpapatulo, nagpapaihi ng nakaw na produkto sina alyas AMIGO. Paihian na may nakabantay pang barangay tanod at pulis? Ano na lamang ang iisipin ng mga residente sa butihing LtCol. Valdez?



Ang iba pang paihian sa Batangas City na lingid sa kaalaman ni Mayora Dimacuha na nag-ooperate sa “ibabaw lamang ng tungki ng ilong” ni LtCol. Valdez ay pinapatakbo ng isang alyas BULOY malapit sa opisina ng Philippine Port Authority (PPA) na abot lamang ng “pukol ng bato” mula sa main gate ng Batangas City Pier.

Saklaw ni Brgy. Sta Clara Chairman Derick Arago ang lupang pag-aari ng Chinese national na isang Tan na ino-okupa ni alyas BULOY kung saan ay kitang-kita naman ng mga naka-posteng PPA, Customs Police , Philippine Coastguard, PNP Maritime Command (PNP-MARICOM) bukod pa sa private security guard ang pagpapanakaw ng petro product, LPG at A-1 Jet fuel nina alyas Buloy at ng kasosyo nitong dalawang aktibong miyembro ng PNP.

Ang isa pang burikian nina alyas BULOY ay nasa kunyari ay tanker truck garage sa tapat ng Maquiling Depot sa Brgy. ni Balagtas Chairman Cynthia Culla. Dati na ding naging kuta ito ng sindikatong buriki.

Bukod sa burikian, si alyas BULOY din ang nagpapatakbo ng biyahe ng mga colorum van na nag-aantay ng mga pasahero sa parking area na pag-aari ng gobyerno sa loob ng compound mismo ng Batangas City Port. Kinikikilan ng grupo ni alyas BULOY ng Php800 bawat colorum van driver na kung tawagin naman ay “butaw” upang makabiyahe ang mga ito patungong Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Quezon.

Naglululan ng mga inosenteng pasahero mula sa mga lalawigan ng Visaya, Palawan at Mindoro Island ang mga colorum van at dahil sa walang prangkisa ay wala ding accident insurance ang mga pasaherong sumasakay sa mga naturang illegal public transport.

Tila “natutulog sa pansitan” at walang hakbang laban sa buriki syndicate, colorum van at illegal terminal si LtCol. Valdez? Paano nito mahihikayat sina Mayor Dimacuha at Batangas PNP Provincial Director Samson B. Belmonte na hirangin ito bilang permanenteng Batangas City Police Chief? Mas maigi pa marahil na palayasin na lang si LtCol. Valdez sa lungsod kasama ng mga buriki operator at iba pang mga iligalista? May karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144