Advertisers
PINAGBABARIL ang sasakyan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr. nitong Martes ng umaga sa Quezon City.
Pero si Catapang ay hindi nakasakay sa naturang kotse, bullet proof Toyota Hilux (WDQ 81), kundi ipinahiram niya sa kanyang Deputy Director General for Administration na si Atty. Al Perreras.
Sa inisyal na ulat, 6:30 ng umaga nitong Martes (March 19), sakay ng Hilux ang mga security escort na sina CO1 Cornelio Colalong at CO1 Leonardo Cabaniero kasama ang isa pang back up na Innova na minamaneho ni CSO2 Edwin Berroya, kasama si CO2 Michael Magsanoc upang sunduin si Perreras sa Quezon City.
Pero pagsapit sa kahabaan ng Skyway patungo sa Quezon City biglang nag-overtake ang ang kulay abong Toyota Vios sa back up car na Innova na at pinagbabaril ang nasa unahang Hilux na pag-aari ni Catapang.
Hindi nasugatan ang mga sakay ng sasakyan dahil bullet proof ito, pero tinamaan ang likurang windshield at nabasag ang bullet proof glass. Pero hindi tumagos ang bala na patungo sana sa passenger front side ng sasakyan kungsaan karaniwang nakaupo si Perreras.
Sinabi ni Catapang, matagal na silang nakatatanggap ng mga pagbabanta sa buhay ni Perreras mula nang ipatupad nila ang iba’t ibang reporma sa bilibid.
Tiniyak ni Catapang na hindi magiging hadlang sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan sa kabila ng insidente at mga pagbabanta sa kanilang buhay.(Almar Danguilan)