Advertisers
TAHIMIK si dating Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano hinggil sa “secret agreement” sa pagitan ng administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte at China hinggil sa isyu ng BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.
Mainit ngayon ang pangalan ni Cayetano matapos ituro ni Harry Roque, dating spokesperson ni Duterte, na ito ang totoong may alam sa kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon kay Roque, ang kasunduan ay bawal magdala ng repair materials at tanging tubig at pagkain lang ang pwedeng i-supply sa nakatenggang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal upang hindi magkaroon ng problema sa relasyon ng Pilipinas sa China.
Ang ‘secret agreement’ ang sinasabing dahilan kaya patuloy na nagiging agresibo ang China sa pag-atake sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa isang media forum, binigyang-diin ni Pangulo Ferdinand Marcos, Jr. ang mahalagang papel ng media upang ilabas ang katotohanan sa pinag-aagawang teritoryo kungsaan ang Pilipinas sa mahabang panahon ay patuloy na nakararanas ng mga ilegal, agresibo at iresponsableng aksyon ng China sa WPS.
Pinagdiinan ni Pangulong Marcos na dapat gawin ang lahat upang madepensahan ang teritoryo, soberanya at pambansang interes ng Pilipinas sa WPS.
Ang BRP Sierra Madre ay warship noong World War II era na sadyang idinaong ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal noong 1999 upang magsilbing military outpost at simbolo ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo. Kahit may desisyon na ang international arbitration tribunal sa The Hague noong 2016 na walang legal basis ang China sa pag-angkin sa WPS, ang desisyon ay patuloy na nire-reject ng China.