Advertisers
ITO ang numero unong problema ngayon sa mga probinsiya na walang sapat ng source of water.
Mabuti pa nga ang mga taga-Metro Manila, hindi masyadong pinoproblema ang tubig. Mawalan man ng tubig ang kanilang gripo ay ilang oras o mahaba na ang isa o dalawang araw, kapag may nire-repair lang.
Pero sa mga probinsiya lalo sa mga isla, natuyot talaga ang mga sapa o ilog na source ng kanilang tubig na gamit sa araw-araw.
Pati ang mga water pumps o “bomba” ay wala nang masipsip, kailangan uli i-drill o hukayin para laliman at marating ang bumabang lebel ng tubig.
Maaring lumala pa ang problemang ito sa tubig sa mga sunod na tagtuyot dahil patindi nang patindi ang temperatura. Kung ngayong summer ay nasa 35 degrees Celsius ang normal, baka sa sunod o sa mga susunod na taon ay umakyat na sa 40 degrees Celsius ang maging normal temperature sa ganitong panahon. Araguy!!!
Kaya dapat mag-isip ng epektibong solusyon ang gobyerno partikular ang local government units (LGUs) para maibsan ang grabeng problemang ito sa tubig ‘pag summer.
Kung ako ang tatanungin, sa mga probinsiyang walang maayos na source ng tubig, makabubuti na ngayon palang ay maghukay na ng malalim para sa water pump.
Oo! Ito ang dapat gawin ng mga barangay, magtayo ng maayos na water pump na maaring takbuhan ng residente na walang kakayahan magtayo ng sariling bomba. Let’s do it, Tserman!
Dapat ding gawing priority ng LGUs ang pagtatanim ng mga puno na nakapagsusuplay ng tubig at nagbibigay ng lilim at lamig sa ganitong tag-init.
Isa sa mga rason kung bakit natutuyo ang mga ilog at sapa sa mga priobinsiya ay dahil nawala na ang malalaking puno, ginawa nang tabla. Mismo!
Dapat maghigpit ang LGUs sa pagbigay ng permit sa mga nagpuputol ng puno. Tingnan muna kung anong mga puno ang puputulin bago bigyan ng permiso. That’s it!
***
Inaasahan ang mga grabeng pag-ulan pagkatapos nitong El Nino, simula sa Hunyo.
La Nina naman daw ang kasunod nitong El Nino, sabi ng PAGASA.
Kaya naghahanda na ang gobyerno ng mga kailangang kagamitan para sa mga matinding pagbaha at landslides, pati na ng mga pang-ayuda sa mga maaapektuhan ng La Nina.
Isa rin sa mga rason ng mga grabeng pagbaha sa mga lungsod ay ang pagkawala ng mga daanan ng tubig, na ginawa nang subdivisions o tinayuan ng mga gusali.
Sa mga probinsiya naman, ang pagkakalbo ng kabundukan dulot ng illegal logging at quarrying ang sanhi ng malawakang pagbaha at landslides.
Kapabayaan at kasalanan ito ng LGUs. Mismo!