Advertisers
NATATANDAAN n’yo pa ba si Police Captain Luis de Luna, ang hepe ng Alitagtag Municipal Police Station sa Batangas, kungsaan naharang sa “checkpoint” ang mahigit P13 bilyon halaga ng shabu na kalaunan ay naging higit P9 bilyon nalang?
Si De Luna, na kaagad na-promote sa Major, ay wala na pala sa Alitagtag MPS. Itinago na raw ito sa Camp Crame?
Well, tama lang din na ilayo sa Batangas at ilagay sa safe na puwesto si De Luna dahil tiyak na hahantingin siya ng sindikato na nasa likod ng nahuling more or less isang toneladang shabu.
May nagbulong sa akin na hindi accidental ang pagkakasamsam sa checkpoint ng naturang kontrabando. Talaga raw na hinarang yun dahil nagkaonsehan sa “tongpats”.
Sabi ng aking bubuwit, nakatimbre na raw yun sa ilang opisyal ng pulisya partikular sa mga dadaanang bayan o lungsod sa Batangas patungo sa Metro Manila. Eh nagkalamangan daw sa “timbre” at hindi yata kasama sa natimbrehan ang Alitagtag MPS kaya… ayon!!! hinarang ang van na may kargang toneladang shabu.
Sabi pa ng aking bubuwit, na-promote nga si De Luna, inalis naman siya sa puwesto. Nasa floating status siya ngayon. At ang mas kawawa, ang mga pulis na humarang sa van ng droga. Nakalantad sila sa panganib. Ingat nalang, mga Sir!
***
Naalala n’yo rin ba si Lt. Colonel Jovie Espinedo na ginamit noon ni dating Pangulo Rody Duterte sa pagdurog sa mga politiko na kasabwat raw sa iligal na droga tulad nina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog, wala narin tayong balita sa kanya. 55 anyos palang siya (Espenido) ngayon. Ang compulsary retirement ng uniformed personnel ay 56.
Si Espinosa, na pinakulong ni Espenido, ay pinatay sa loob ng kulungan ng mga taga-CIDG na pinamumunuan noon ni Col. Marcos; habang si Parojinog ay tinodas sa raid sa kanilang compound sa pamumuno rin ni Espinedo.
Matapos ang lahat nang ito, si Espenido ay napasama sa “drug list” ni Duterte. Tinagurian siyang protektor at drug lord. Saklap!
Mukhang ganito rin ang mangyayari kay Major De Luna. Subaybayan!!!
***
Ibinunyag nitong Martes ni dating Senador Antonio Trillanes ang maitim na plano ni dating Pangulo Rody Duterte laban kay Pangulong “Bongbong” Marcos.
Sa ipinatawag niyang press conference, sinabi ni Trillanes na nagsusumikap ngayon si Duterte at mga dati niyang opisyal na mapatalsik si PBBM.
Kapag napatalsik si PBBM, otomatik uupong pangulo ang anak ni Duterte na si Vice President Sara.
Sabi pa ni Trillanes, isa sa mga kasabwat ni Duterte para mapatalsik si PBBM ay ang dating PNP Chief niya at ilang aktibong opisyal na sangkot sa war on drugs, na kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court.
Kabilang din sa planong pagpabagsak kay PBBM ang wanted na si Apollo Quiboloy.
Kapag napatalsik nga naman si PBBM at naupo si Sara, hindi na sila magagalaw ninuman dahil makokontrol na nila ang lahat ng ahensiya ng gobyerno partikular ang nagpapatupad ng batas.
Sinabi ni Trillanes na posible sa kalagitnaan ng taon ay maglalabas na ng arrest warrant ang ICC laban kina Duterte sa kasong ‘Crimes Against Humanity’. Abangan!