Advertisers
ATIN ang West Philippine Sea (WPS)!
Hindi lang ito salita na ginagawa ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at sa nakaraang mga buwan, kitang-kita natin ang paninindigan niya na ipagtanggol ang ating soberenya at isa rito ang inilabas niyang Executive Order 57 na idineklara niya ang tapang na palakasin ang seguridad at “domain awareness”sa dagat na sakop ng Pilipinas.
Kabilang sa domain awareness na ito, tulad ng alam natin ay ang ginagawa niyang pagpapalakas sa ating depensa, at pakikipagkasundo sa mga bansang kaalyado natin — tulad ng US, Japan, Canada, Australia, Germany at European Union.
Ang ating Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at ang buong depensa militar sa pamumuno ni Sec. Gibo Teodoro ay ginagawa ang lahat ng paraan upang hindi lamang mapalakas ang moral ng ating mga sandatahang lakas, kungdi masigasig siya sa pagpapaliwanag sa madla na kailangan ng buong sambayanang Pilipino ang suporta sa laban natin upang mapangalagaan ang ating soberenya.
Salamat at di siya nag-iisa pagkat maging ang ating mga mambabatas ay matapang na naghahayag ng kanilang suporta, at dito, mapupuri natin si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo nang kondenahin niya ang panggugulo ng China sa Scarborough Shoal.
Sabi niya, at tama si Partner Erwin nang sabihin niya na “Walang karapatan ang China na pagsabihan tayo na ‘umayos’ sa ating sariling teritoryo. Kahit ano pa ang itawag nila sa Bajo de Masinloc sa Zambales sa Pilipinas pa rin ito.”
Tama si Partner Erwin, kahit ano pa ang sabihin ng China, ang malinaw pa sa sikat ng araw — atin ang WPS, kaya tama na ating igiit ang ating karapatan dito.
Tama ang House na ipamukha sa China ang kasakiman nito na angkinin ang hindi sa kanila at tama si Partner Erwin na suportahan ang desisyon na ilipat ang Confidential at Intelligence Funds (CIF) ng civilian agencies sa Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Security Agency, at National Intelligence Coordinating Agency.
Sinuportahan din ni ACT-CIS partylist Rep. Tulfo ang desisyon ni Sen. Risa Hontiveros na ilapit na ang problema sa United Nations (UN) at sa mga kaibigan nating malalaking bansa, para tulungan tayo na magpatrolya sa naturang lugar gaya na lamang ng Estados Unidos, Japan at iba pa.
At salamat sa tugon ng mga kaalyado nating bansa, sa pamumuno ng US na pisikal na nating igiit ang ating presensiya sa WPS sabi nga ni Kuya Erwin, “It’s time we physically assert what is ours dahil wala namang nangyayari sa puro protest!”
Di nagpahuli si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa matinding pagkondena nang banggain ng China Coast Guard (CCG) vessel 5203 ang privarte supply vessel ng AFP sa WPS na hindi lang naglagay ng peligro sa buhay ng mga Pilipino, banta pa ito sa peace and security sa buong karagatan ng South China Sea.
Pinag-iingat ni Senate Minority Leader ‘Koko’ Pimentel ang ating PCG sa paghahatid ng supply sa nakabahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shaol, at nanawagan siya sa gobyerno na ipagpatuloy ang matalinong taktika laban sa agresyon ng China.
Maging si Senatee Majority Leader Joel Villanueva na suportado niya ang kilos ng liderato ni PBBM na humingi ng tulong mula sa United Nations at iba pang kaalyadong bansa laban sa bullying tactics ng China.
Di nagpahuli si Senate President Migz Zubiri, walang lugar sa sibilisadong bansa ang pambabarako ng China; sabi naman ni Sen. JV Ejercito, dapat ang Senado at ang Kongreso ay magbuo ng isang malakas na resolusyon — tulad ng iniharap ni Sen. Risa Hontiveros sa kanyang Resolution 659 na humihikayat sa Departmenf of Foreign Affairs (DFA) na itaas sa UN General Assembly ang panggigipit ng China, at ilantad ang nga paglabag nito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at igiit sa China na igalang ang 2016 Arbitral Ruling na nagbabalewala sa 9-dash line sa pag-angkin sa ating teritoryo sa WPS.
Maging sina Sen. Bong Go at Sen. Bato dela Rosa — na kapwa best friends ni dating Presidente Rodrigo ‘Digong’ Duterte — ay nagpâhayag ng pagkondena sa panggigipit ng China Coast Guard sa ating mangingisdang Pinoy, sabi niya, totoo na kaibigan nila si FPRRD, pero sa usapin ng bullying tactics ng China, handa silang igiit ang karapatan natin sa pag-angkin sa WPS na anila, “Atin naman talaga ang teritoryo na iyon sa dagat!”
***
Suportado natin ang pagpapalakas ng AFP at responsibilidad na bantayan at protektahan ang ating teritoryo, hindi lang laban sa China, kungdi sa iba nais na pumasok at sumakop sa ating mga isla, karagatan, at iba pang bahagi ng teritoryo.
Kahit pa sinasabing walang nangyayari sa mga protesta natin, ituloy pa rin ang diplomasya at makipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa tulad ng ginagawa ni PBBM na sa kabila ng tensiyon, sinisikap pa rin niya na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon at kilalanin ng international community ang ating likas na karapatan sa ating teritoryo sa karagatan.
Kahit binobomba ng tubig, pinatatamaan ng militgary grade laser, kahit binabangga at itinataboy, salamat ng marami at ang ating paghanga at pasasalamat sa walang tigil na patrol at surveillance ng PCG at iba pang ahensiya sa WPS.
May aksiyon man o wala, sige lang tayo sa pagpapahayag ng protesta sa UN, ASEAN at ipanawagan ang ating panig, at higit sa lahat, magkaisa tayo na mapagmahal sa kalayaang ibinuwis ng ating mga bayani na ituloy ang pagprotekta sa ating teritoryo.
Mahalaga na magkaisa tayo at igiit ang ating mga karapatan at soberenya bilang isang bansa.
At wag nating kalimutan na panatilihin ang ating mahigpit na alyansa at pagkakaibigan sa mga bansang nagtitiwala at naniniwala sa ating karapatan sa WPS, tulad ng Estados Unidos (U.S.) na nagpapahayag ng matinding pagtutol sa mapanganib na aksyon ng China, at ang pagtindig nila sa ating karapatan, at patuloy na paninindigang ang anomang armadong pag-atake sa Pilipinas, ayon sa U.S.- Philippines Mutual Defense Treaty, ito ay ituturing ng US na pag-atake rin sa kanilang bansa.
Salamat sa European Union sa suporta sa Pilipinas at sa prinsipyo ng rule of law. Ipinapakita nila ang kanilang pagkilala sa karapatan ng Pilipinas sa South China Sea; at sa Japan na isa nating matalik na kaalyado na nagpâhayag ng kanilang pagtindig para sa kalayaan at seguridad ng Pilipinas sa rehiyon.
Gayundin ang Australia — na kinikilala ang ating exclusive economic zone ng Pilipinas sa South China Sea at ang pakikiisa sa ating paninindigan ng New Zealand, ng United Kingdom, ng Czech Republic sa hangarin nating mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa WPS.
***
Epektibo ang Balikatan Exercises sa WPS para mapigilan pandadarag ng China, at ito ay malaki ang naitutuilong upang mas mapalakas ang kooperasyon at interoperability ng Pilipinas at US sa larangan ng seguridad at depensa, may magandang epekto upang mapigil ang panggugulo ng China sa WPS.
Itong Balikatan ay deterrence o nakapipigil sa China na mambraso sa atin, at pagpapakita rin ng katapatan ng US na ipagtanggol tayo sa mga bansang may layuning manggulo sa WPS.
Mahalagang hakbang ang Balikatan Exercises sa pagpapalakas ng seguridad at kooperasyon sa rehiyon at hindi tayo dapat magpakakampante kahit naririto ang US at mga kaalyado, maging alerto tayo at patindihin pa ang pakikipag-alyado sa Asian nations, at sa iba pang bansa na makiisa para sa ating ipinaglalabang karapatan at kapayapaan at seguridad sa WPS!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.