Advertisers
BANAS na banas na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kay dating Senador Antonio Trillanes. Bakit?
Si Trillanes lang naman kasi ang nagsumikap na makasuhan sila ng kanyang “Tatay Digong” (ex-President Rody Duterte) sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng walang patumanggang mga pagpatay sa kanilang “war on drugs” kuno noong panahon nila sa Malakanyang.
At nakatakda na raw maglabas ng arrest warrant ang ICC laban kina Digong, Bato at ilan pang retirado at aktibong opisyal na nasa likod ng mga patayan noong nakaraang administrasyon. Posible sa Hunyo o Hulyo raw lalabas ang arrest warrant. Araguy!!!
Galit na galit si Bato kay Trillanes matapos ibunyag ng huli na isang dating Chief PNP ang nangre-recruit ng mga retirado at aktibong opisyal ng pulisya para patalsikin si Pangulong “Bongbong” Marcos. Pero nabigo raw ang mga ito.
Sabi ni Bato: Ang dating PNP Chief na ito ay maaring bugbugin si Trillanes. Hahaha…
Naramdaman yata ni Bato na siya ang tinutukoy ni Trillanes na dating Chief PNP noong termino ni Digong sa Malakanyang. Feeling ko rin. Hehehe…
Sina Bato at Trillanes ay kapwa produkto ng Philippine Military Academy (PMA). Class 1986 (Sinagtala) si Bato. Si Trillanes ay Class 1995.
Pero si Trillanes ay nagtapos na Cum Laude at napunta sa Navy. Ibig sabihin mas mautak si Trillanes kay Bato. Mismo!
Naging Chief PNP si Bato sa termino ni Digong dahil dati na silang magkasama sa Davao City. Chief of Police siya ng Lungsod nang mayor si Digong, kungsaan nangyari ang mga patayan gawa ng “Davao Death Squad”, na ang isa sa major hitmen ay si retired SPO4 Arturo Lascanas na bumaligtad at naging testigo ng ICC laban sa mga Duterte.
Speaking of ICC, naghahanda na ng briefer, mga option, ang Department of Justice para kay Pangulong Marcos, kung ano ang magiging desisyon ng punong ehekutibo kapag lumabas na ang ICC warrants.
Pinag-aaralan ding mabuti ng DoJ ang muling pagsali sa ICC, sa gitna ng nakatakdang paglabas ng arrest warrant laban kina Duterte.
Sa ngayon, sabi ng DoJ, nananatili ang paninindigan ng gobyerno ng Pilipinas na hindi pasasakop sa ICC. Pero maari itong magbago, at ito ang kanilang pinaghahandaan, kasama sa briefer sa Pangulo. Araguy!!!
***
Ang nakatakdang paglabas ng ICC warrant ang pangunahing rason kung bakit gustong patalsikin sa puwesto si PBBM.
Kapag napababa nga naman sa puwesto si PBBM, awtomatikong uupong pangulo ang anak ni Digong na si Vice President Sara Duterte-Carpio.
Obkors kapag si Sara ang presidente, hindi na maisilbi pa ang arrest warrant laban kina Digong, Bato, et al… Lalabas na rin ng lungga ang wanted na si Pastor Apollo Quiboloy. Mismo!
Speaking of Quiboloy, namataan daw ang helikopter niyang umiikot-ikot sa “Glory Mountain” sa Davao.
Si Quiboloy ay nagmamay-ari ng Bell 429 helicopter at private jet.
Nang sundan ang May 7 flight path ng helikopter (RPC8488) ni Quiboloy, gamit ang Flightradar app, nakita na ito ay lumipad mula sa Apollo Air hangar sa KOCJ compound na katabi ng airport, 10:20 ng umaga at bumalik ng 11:15 ng umaga.
Hindi kaya si Quiboloy ang sakay ng kanyang helikopter? Bakit hindi ito ma-check ng PNP o NBI? Hmmm…