Advertisers
May kabuuang 727 trainees mula sa North at South Caloocan ang nagtapos mula sa libreng livelihood training program ng Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC) at nakatanggap ng kanilang livelihood kits upang makatulong sa pagsisimula ng kanilang sariling karera.
Mula sa iba’t-ibang vocational training courses ang mga bagong nagtapos na inaalok ng CCMTC, tulad ng computer operations, automotive servicing, cosmetics, culinary science, at electrical wiring installation and repair.
Pinuri ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang CCMTC gayundin ang Public Employment Service Office ng lungsod sa kanilang patuloy na pagtugon sa adbokasiya ng pamahalaang lungsod na lumikha ng mas maraming pagkakataon para sa mga nasasakupan nito na kumita ng disente, tapat, at sapat na kita sa araw-araw.
“Patuloy pong layunin ng pamahalaang lungsod ang pagbibigay ng oportunidad sa ating mga kababayan na kumita para sa kanilang araw-araw na pamumuhay, sa pamamagitan man ng mga trabaho, negosyo, o mga kasanayan na maari nilang gamitin. Kaya po nagpapasalamat tayo sa PESO at sa CCMTC para sa tuloy-tuloy na pagtugon sa direktibang ito,” wika ni Mayor Along.
Tiniyak din ni Mayor Along sa kanyang mga nasasakupan na bukod sa libreng training program na iniaalok ng CCMTC, marami pang proyekto ang tinitingnan na ipapatupad ng pamahalaang lungsod lalo na para sa mga mas mahinang sektor.
“Gaya po ng lagi kong sinasabi, lagi nating uunahin ang kapakanan ng mga Batang Kankaloo na mas kailangan ng tulong natin. Kaya naman po asahan niyo ang iba pa nating mga programang pangkabuhayan lalo na sa mga kapatid nating persons with disability (PWDs), mga senior citizens, at sa mga solo parents,” dagdag pa ni Malapitan.
Isang bagong batch ng CCMTC trainees ang inaasahang matatapos sa kanilang pagsasanay sa lalong madaling panahon at maging unang batch ng mga completers para sa 2024.(BR)