Advertisers
MARIING ipinag-utos ng Malacañang na isama ang pag-awit ng Bagong Pilipinas Hymn at ang recital ng Bagong Pilipinas Pledge sa lingguhang flag ceremony ng lahat ng mga ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang mga government-owned or -controlled corporations (GOCCs) at mga institusyong pang-edukasyon.
Ayon sa Malacañang, ang hakbang na ito ay naglalayong itanim ang mga prinsipyo ng Bagong Pilipinas sa mga kawani ng pamahalaan.
Sinasabing bahagi rin ito ng kanilang layunin na palakasin ang pagkakaisa at dedikasyon sa tungkulin ng mga kawani ng pamahalaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas na binuo upang maging tatak ng pamahalaan at pamumuno.
Layunin din nitong magabayan ang lahat ng ahensya, GOCCs, at mga state universities and colleges (SUCs) sa mga prinsipyo nito.
Batay sa isang memorandum na may petsang Hunyo 4 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, inatasan ang mga pinuno ng lahat ng ahensya ng pamahalaan at instrumentalities na tiyakin ang tamang pagpapakalat ng Bagong Pilipinas Hymn at Pledge sa kanilang mga tanggapan.
“For this purpose, the heads of all national government agencies and instrumentalities shall ensure that the Bagong Pilipinas Hymn and Pledge, which are annexed to this Circular, are properly disseminated within their respective institutions and offices,” a June 4 memorandum signed by Executive Secretary Lucas Bersamin,” ayon sa memorandum.
Dagdag pa rito, inatasan ang Presidential Communications Office (PCO) na magpatupad ng mga epektibong hakbang upang maiparating at maipakalat ang Bagong Pilipinas Hymn at Pledge sa lahat ng opisina ng pamahalaan at sa publiko.
Ang Bagong Pilipinas ay naglalarawan ng isang pamahalaang may prinsipyo, responsable, at maaasahan, na pinagtitibay ng pagkakaisa ng mga institusyon ng lipunan.
Sa Seksiyon 18 ng Republic Act No. 8491 o ang “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” inaatasan ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang mga local government units (LGUs), na magsagawa ng flag raising ceremony tuwing Lunes ng umaga at flag lowering ceremony tuwing Biyernes ng hapon.
Sa pagsasama ng Bagong Pilipinas Hymn at Pledge sa mga seremonyang ito, inaasahang mas mapapalalim ang pag-unawa at pagpapahalaga ng mga kawani ng pamahalaan sa mga adhikain ng Bagong Pilipinas. (Gilbert Perdez)