Advertisers
PATULOY na umaarangkada ang operasyon ng ilegal na sugal sa lalawigan ng Oriental Mindoro sa kabila ng mahigpit na kautusan ng pamunuan ng PNP ang pagbabawal alinsunod sa Republic Act 9287 at Presidential Decree 1602.
Batay sa sumbong na ipinarating sa inyong abang lingkod ng ilang concerned citizen, ilegal umano ang ginagamit na prente nitong STL bunsod sa wala itong lisensya mula sa PCSO kung saan laganap ang naturang sugal sa 14 na bayan at isang siyudad ng nabanggit na lalawigan.
Napag-alaman pa na mas lalong pinapaboran ng Kapitolyo at Police Regional Office MIMAROPA ang pasugalang ito kaysa legal na Small Town Lottery o STL ng PCSO na rehistrado naman sa gobyerno.
Ang masaklap ginagamit ng mga iligalista bilang takip sa illegal numbers game na jueteng ang ilegal na gawaing ito na naging laman ng mga alamat at kwento sa Oriental Mindoro na ang mga kalahok sa STL bookies ay umanin sa raket.
Lumalabas pa sa reklamo na isang alyas PA ang nagsisilbing PADRINO ng ilegal na sugal at nagsisilbing tagapangasiwa ng intelihensya para sa ilang tiwaling government officials dahil sa protektado ng lokal na pamahalaan ang pamamayagpag ng jueteng na patuloy na tinatangkilik ng taumbayan.
Naniniwala din ang ilang sektor na bumabatikos nito na hindi matuldukan ng kapulisan ang pasugalang ito dahil ipinagmamalaki umano ni alyas PA na may basbas ng isang kernel na dikit umano kay PRO4-B Regional Director PBGen Roger Quesada ang tayaan nito sa kasuluk-sulukan ng lalawigan.
Kaugnay nito, sumingaw rin na isang alyas Liyag ang umanoy tumatayong kolektor ng intelihensya para sa ilang matataas na opisyal ng Camp Efigenio Navarro kung kaya hindi masawata ang naturang ilegal na sugal ng mga hepe ng kapulisan dahil sa takot na masibak sa tungkulin.
Nananawagan naman ang grupong ito kay DILG Sec. Benhur Abalos at PNP Chief, Rommel Francisco Marbil na imbestigahan ang reklamong ito upang tuluyan nang matigil ang pamamayagpag ng ilegal na sugal at mapanagot ang ilang opisyal na protektor nito sa lalawigan ni Governor Humerlito Dolor.
Tanong ng taumbayan para ano pa itong programa ng Administrasyong Marcos na ”Bagong Pilinas” na naka post sa lahat ng official FB page ng lahat ng himpilan ng kapulisan na “SA BAGONG PILIPINAS, ANG GUSTO NG PULIS LIGTAS KA” kung ang kanilang mga areas of jurisdiction ay pinamumugaran ng ilegal na sugal.
Paki sagot nga PNP Chief, Marbil Sir!
Tutukan natin ito!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.